HINDI nadiskaril ang pakay na makasaysayang pagtatapos ng Petron nang kunin ang 25-17, 22-25, 30-28, 15-17 panalo sa Shopinas tungo sa pagbulsa ng 2015 Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Binuhay ni Abigail Maraño ang pag-atake ng koponan noong nangangapa sila ng puntos sa krusyal na ikatlong set para pangunahan ang paghablot ng pangalawang dikit na kampeonato ng Petron gamit ang 13-0 sweep sa ligang inorganisa ng SportsCore katuwang ang Asics, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medical.
“Lahat ng paghihirap namin ay nasuklian sa panalong ito dahil ang kampeonato ang talagang target namin mula nang nagsimula ang liga,” wika ni Lady Blaze Spikers coach George Pascua.
May 18 puntos pa si Dindin Santiago-Manabat at ang kanilang magkasunod na pag-atake ni Maraño ang nagbangon sa koponan mula sa limang set point para makuha ang 2-1 kalamangan.
May 15 at 14 kills sina Maraño at Santiago-Manabat para bitbitin ang Petron sa 55-38 bentahe sa attack points.
Tumapos si Rachel Ann Daquis sa 16 puntos at apat dito ay blocks para dominahin din ito ng Lady Blaze Spikers, 9-6, at maisantabi ang 10-9 bentahe ng Lady Clickers sa serve.
Dahil solido ang ipinakitang laro ni Daquis sa kabuuan ng torneo kaya’t siya ang kinilala bilang Most Valuable Player.
Si Cha Cruz ay mayroong 13 puntos habang sina Rizza Jane Mandapat at Stephanie Mercado ay naghatid pa ng 12 at 11 puntos.
Nakasama ni Daquis sa Petron na tumanggap ng individual awards sina Santiago-Manabat at Jen Reyes bilang best middle blocker at best libero habang si Cruz ang kinilala bilang pinakamahusay na opposite spiker.
Ang mga Foton players na sina Fil-Am Irish Tolenada at Michelle Gumabao ang ginawaran bilang best setter at best opposite spiker, ayon sa pagkakasunod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.