Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
4:15 p.m. Purefoods Star vs Globalport
7 p.m. Rain or Shine vs San Miguel Beer
MAKUBRA ang ikatlong sunod na panalo na maghahatid dito sa solo liderato ang puntirya ng Globalport Batang Pier kontra sa nagdedepensang kampeon na Purefoods Star Hotshots sa pagpapatuloy ng 2015 PBA Governors’ Cup elimination round ngayon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Galing sa dalawang sunod na panalo laban sa Meralco Bolts (92-73) at Blackwater Elite (100-76), masusubukan ngayon ang Batang Pier laban sa Hotshots sa kanilang alas-7 ng gabi na main game.
Si Globalport coach Pido Jarencio ay sasandal sa balik-import na si Steve Thomas na pinalitan si Patrick O’Bryant.
Si Thomas, na naglaro para sa Air21 Express, ay pansamantalang import lamang habang hinihintay ng Batang Pier ang pagdating ni dating Meralco import Jarrid Famous, na tinatapos ang paglalaro para sa Texas Legends sa NBA D-League.
Aasahan din ni Jarencio ang opensang magmumula kina Terrence Romeo at Stanley Pringle.
Ang Purefoods Star, na manggagaling sa 89-85 pagwawagi sa NLEX Road Warriors noong Sabado, ay pamumunuan ng balik-import nitong si Marqus Blakely. Makakatuwang niya sina James Yap, Marc Pingris, Mark Barroca at Alex Mallari.
Sa alas-4:15 ng hapon na opening game, sasabak na rin sa aksyon ang Rain or Shine Elasto Painters na tatangkaing ipalasap ang ikatlong diretsong pagkatalo sa San Miguel Beermen, na magmumula sa pagkatalo kontra Kia Carnival at Meralco.
Ipaparada ng Elasto Painters si Wendell McKines na makakatapat si Beermen import Arizona Reid.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.