IPINAKITA ng National Capital Region dribblers ang bilis at galing sa pagbuslo habang puso at determinasyon ang inilabas ng volleybelles upang tanghaling kampeon sa secondary boys basketball at secondary girls volleyball sa 2015 Palarong Pambansa na pormal na natapos kahapon sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex sa Tagum City.
Si Fran Yu ay naghatid ng 19 puntos, si Jonas Tibayan ay mayroong 10 habang sina Jayson Jimenes, Michael Dela Cruz at John Martin Galinato ay nagsanib sa 26 puntos para katampukan ng 79-61 demolisyon sa Central Luzon na ginawa sa University of Southeastern Philippines Gym.
“This is a challenging tournament dahil lahat ng mga magagaling sa buong Pilipinas ay nandito. Masaya ako dahil naibalik namin ang basketball title after three years (2012) at na-prove ng mga players na deserving sila na maglaro rito,” wika ni Richard Goldwin Monteverde na ang siyam na manlalaro sa pangunguna ni Yu ay galing sa Chiang Kai Shek College.
Sa kabilang banda, sinamantala ng girls volleyball team na ang pitong manlalaro ay mula sa King’s Montessori sa Quezon City, ang tatlong krusyal na errors ng Davao para angkinin ang 21-25, 25-16, 25-16, 19-25, 18-16 panalo na ginawa sa nag-uumapaw na University of Mindanao gym.
Tatlong match points ang pinakawalan ng NCR pero nakuha pa rin ang panalo dahil sa dalawang sunod na errors ng Davao matapos ang 16-all iskor.
“First time ko na mag-coach sa Palaro at first time din ng Quezon City na katawanin ang NCR kaya proud kami sa aming nagawa,” wika ni coach Rogelio Getigan.
Kampeon din sa secondary girls basketball at winalis pa ang elementary at secondary baseball, ang NCR ang itinanghal na overall champion sa ika-11 sunod na taon sa nakuhang 98 ginto, 67 pilak at 71 tansong medalya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.