SA nakalipas na dalawang kolum, isinulat ko ang hinggil sa Mamasapano ng droga sa North Caloocan. Kamakailan ay nasabat ng mga tauhan ni Chief Supt. Joel Pagdilao, hepe ng Quezon City police, ang mag-asawang Moro, dala ang bultong high-grade shabu. Primera klase ito at ang gumagamit nito ay may kakayahang magbayad ng mahal.
Magkatabi lang ang North Caloocan at North Fairview. Hindi puwede, at hindi kayang pasukin ng mga pulis ni Pagdilao ang Phase 12, Balwarte at Tala sa North Caloocan. Hindi rin ito pinapasok ng pulis-Caloocan. Namatay ang mga ahente ng NBI (National Bureau of Investigation) at pulis na nagtangkang pumasok dito. Ang nahuling mga Moro ay nagmula sa Tala.
Umaapaw ang shabu sa North Caloocan. Ang Phase 12 at Balwarte ay wala sa mapa ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency). Ang kanilang tinitiktikan ay naka-SUV na mga Intsik, na puwede at madaling pagkakitaan. Iniiwasan nila ang mga Moro’t Kristiyano na nasa shabuhan sa North Caloocan.
Noong panahon ni Dionisio Santiago sa PDEA, hindi pa dambuhala ang Phase 12 at Balwarte at mismong mga pulis-QC ang natimbog ni Dionisio na sangkot sa proteksyon at biyahe ng shabu. Ngayon, mismong mga ahente ng PDEA ay nag-aaway sa droga, partihan man o misyon. Kung tahimik ang PDEA’t pulis sa droga, mas lalong tahimik ang mga politiko. Malapit na ang eleksyon.
Napakasuwerte naman ng relocatees ng Makati Homeville. Sa resettlement area projects ng National Housing Authority, ang mga iskwater ay binibigyan lamang ng maliliit na sukat ng lote. Ang pinakamalaking sukat ng lote na ibinigay ay sa Sapang Palay project sa San Jose del Monte, Bulacan: 1,000 metro kuwadrado bawat pamilya. Ang pinakamaliit ay sa Bagong Silang, Caloocan: 60 metro kuwadrado. Lote lang ang ibinibigay.
Pero ngayon, ang resettlement areas sa Sapang Palay at Bagong Silang ang pinakamaunlad sa relocation sites. Hindi nagreklamo sa media, o Senado man, ang mga relocatees dito. Mula sa tagpi-tagping barung-barong ay nakapagpatayo ng disenteng bahay ang mga dating iskwater. Ngayon, ang mga residente ay pinag-aagawan ng SM, Puregold, San Roque at maliliit na grocery na pag-aari ng mga Intsik. 24 oras na rin ang biyahe ng mga jeepney rito.
Madaling naunawaan ng ilang maliliit na mangingisda sa Zambales kung bakit ganoon na lamang ang pagngangalit at panggigipit sa kanila ng Chinese coast guard nang ipaliwanag ko ito habang ninanamnam ang maaligamgam na dagat alas-4:30 ng umaga. Napakaraming kuwentong kaapihan ang inilahad nila, at ilan sa mga ito’y hindi na-media. Tulad nang pasilawan ng napakaliwanag at napakainit na mga ilaw ang dalawang de-sagwan na hinila ng isang pumpboat para mangisda sa di kalayuan bago mag-madaling araw.
Bakit nila dinaranas ito ngayon, na hindi nila dinanas simula sa panguluhan ni Emilio Aguinaldo? Buhay pa ang mga lolo’t ninuno nila noong panahon ni Miong (Aguinaldo). Ang taklobo noon ay halos buhatin na lamang sa dalampasigan at ipamigay kung hindi makarating ang mamimili. Ang paliwanag ko sa mga mangingisda ay walang respeto ang China kay Pangulong Aquino. Bastusan na.
Kapag walang galang ang China sa Ikalawang Aquino, ang butihing anak nina Ninoy at Cory, mas lalong hindi sila naniniwala sa anumang sasabihin nito.
Sa kalye Madrid sa Binondo, Maynila, kapag walang tiwala ang Intsik na nagtutunaw ng kandila sa trabahador na mga Pinoy, hindi niya kinukuha ang mga ito, kahit makiusap pa.
Ang respeto’t tiwala ay napakahalaga sa Intsik, at tulad ng maliliit na mangingisda, hindi nila naiintindihan ang soberenyang sinasabi ng Department of Foreign Affairs.
Nang masawi ang mga turistang taga-Hong Kong sa Luneta hostage, ay wala pang airport, pantalan at missile launching pad na itinatayo sa South China Sea (hindi ko maubos-maisip na bakit biglang tiwanag ito na West Philippine Sea gayong may makatarungang pag-aangkin din ang Vietnam, base sa paliwanag ng Vietnamese youth na dumalo sa youth eccelesiastical). Sa Bundok (Makati Elementary School sa Barrio Poblacion), South China Sea na ito.
Nagalit ang China sa pagngiti ni PNoy nang matapos ang hostage at nililinis na ang mga bangkay ng HK tourists para ipadala sa kanilang pinanggalingan. Nagalit ang China nang ipagmayabang ni Aquino na ang Recto, na buhanginan sa South China Sea, ay hindi makukuha ng China dahil ipaglalaban niya ito. Kasunod nito ay ang pagbili ng Pinas sa ibabasurang coast guard cutter, Hamilton class, na itatapat, aniya, sa puwersa ng China.
Nagtawanan ang mga mangingisda sa nabiling uugud-ugod na Hamilton. Ang Chinese coast guard, anila, ay napakaliksi’t mabilis, atras man o abante.. Nambubulaga ito at bigla na lamang lalabas sa laot. Ang Hamilton ay maingay at ang Chinese coast guard ay walang ingay, kahit sa kalaliman ng gabi. Naglalayag nang walang maliit na kutitap.
Ang kanilang gobernador, si Hermogenes Ebdane Jr., ay dating militar. Sa pambabarako ay hindi sila kayang ipagtanggol nina Ebdane at Aquino. Hindi maunawaan ng maliliit na mangingisda ang anumang pamiwanag ng mga estudyante sa Malacanang dahil hindi naman sila nakapag-aral. Ang tanging naunawaan nila ay ang paliwanag ni Ebdane na wala tayong bapor de gera.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.