Kung gaganti sila bakit hindi sa akin? | Bandera

Kung gaganti sila bakit hindi sa akin?

Ramon Tulfo - April 21, 2015 - 03:00 AM

SINABI ni Makati Congresswoman Abigail Binay, anak ni Vice President Jojo Binay, gagantihan ng kanyang pamilya ang kanilang mga kritiko at kaaway sa pulitika kapag naluklok sa Malakanyang ang kanyang ama.

Nakakapangilabot ang binitiwang salita ni Congresswoman Binay.

Lahat ng mga bumabatikos sa pamilya Binay, lalo na kay Vice President Jojo, ay may paglalagyan.

Hindi sinabi ng congresswoman kung anong klaseng paghihiganti ang mararanasan ng mga kaaway sa pulitika at kritiko ng mga Binay kapag naging Pangulo si Jojo.

Masyado raw nasaktan ang pamilya Binay sa mga batikos at paninira ng kanilang mga kaaway sa pulitika at mga kritiko ani Congresswoman Binay.

Mahirap daw nilang mapatawad ang mga sumisira sa kanilang pamilya sa Senado, lalong lalo na si Sen. Antonio Trillanes III.

Kahit na raw humingi ng patawad si Trillanes ay di nila mapapatawad.

***

Parang siguradong-sigurado naman itong si Abigail Binay na mananalo ang kanyang tatay sa 2016 presidential election at maluluklok sa Malakanyang.

Ang akala ba niya ay kasing bobo niya ang mga botante at makakalimutan ang kanyang sinabi na gaganti sila?

Oo nga’t mataas sa mga surveys ang nakukuha ni Jojo Binay kumpara sa kanyang mga maaaring magiging kalaban, gaya ni Interior Secretary Mar Roxas, Sen. Grace Poe at Davao City Mayor Rody Duterte.

Pero sa tinuran niyang yun, lalagapak sa pagbagsak sa mga susunod na survey si Jojo Binay.

Ngayon pa nga lang ay hambog na ang pamilya Binay, lalo na kung nasa puwesto na ang haligi ng kanilang pamilya na si Jojo!

***
Binitiwan ni Abigail Binay ang malakas na pananalita matapos ipinahayag ni Trillanes na iimbestigahan ang vermiculture (ang pagpapaunlad ng bulate) sa Senado.

Ang bulate diumano ay pampataba ng lupa sa sakahan.

Bakit naman mag-aalaga ng mga bulate ang congresswoman sa lungsod na wala namang lupa para sakahan, ani Trillanes.

Ginastos daw ni Abigail Binay ang P70 million pork barrel noong 2011 sa livelihood projects, kasama na ang pagpapalago ng bulate, sabi ng senador.

Waaaaa!

Maliwanag na maliwanag na inisip na lang ni Congresswoman Binay ang vermiculture upang may pagkakagastahan siyang ghost project.

***

Wala na akong duda na may kinalaman ang pamilya Binay sa pambubugbog noong 2010 sa aking anak na si Monik na noon ay 14 years old pa lang.

Palagi ko kasing binabatikos ang gross overpricing ng hospital equipment sa Ospital ng Makati ni Elenita Binay noong siya ay mayor pa ng lungsod.

Ang aking batikos ay batay sa report ng Commission on Audit.

Binatikos ko sa aking columns dito sa Bandera at sa INQUIRER, sister publication ng diyaryong ito, ang mabagal na pag-usad ng kaso laban kay Elenita.

(Ngayon ay nabale-wala na ang kaso matapos na maglagay daw ang mga Binay sa Sandiganbayan)

Binugbog si Monik ng isang matipunong lalaki habang nasa pintuan siya ng condominium unit kung saan siya at ang kanyang ina ay naninirahan.

“Para sa tatay mo ito,” sabi ng matipunong lalaki kay Monik habang siya’y sinusuntok nito.

Knock-out ang aking anak at nakahandusay siya sa sahig nang datnan ng kanyang ina.

Walang matukoy na suspect ang Makati City police na siyempre ay hawak ng mga Binay.

Sana’y huwag na nilang muling gawin na gantihan ang aking anak dahil wala naman siyang kasalanan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kung gusto nilang gumanti bakit hindi na lang ako ang kanilang bugbugin o pagplanuhan ng iba pa?

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending