SA dami ng malalaking laban na hinarap niya ay wala nang nararamdamang kaba si Floyd Mayweather Jr. sa pagsampa niya ng ring para harapin ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao.
“At my age (38) I’m over getting nervous about an opponent. I’m past getting wound up,” wika ni Mayweather na hindi pa natatalo matapos ang 47 laban.
Si Pacquiao ang masasabing pinakamalaking laban niya sa huling mga taon at ito ang kinasasabikang laban limang taon na ang nakakaraan dahil marami ang naniniwala na si Pacman lamang ang may kakayahang mapigil ang pagpapanalo ng pound-for-pound king.
Kinikilala ni Mayweather ang galing sa ring ni Pacquiao ngunit kumbinsido siyang makakayang isantabi ang dalang hamon nito.
Ang malawak na karanasan sa ring ang siya niyang ipakikita para umabot sa 48-0 ang karta matapos ang Mayo 3 na tunggalian sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.
“I’m calm, smooth, calculated and thinking five steps ahead of my opponent. What I have to do is get in that ring and be myself. Be the best Floyd Mayweather,” dagdag nito.
Hindi nga dapat palampasin ng mga mahihilig sa boxing ang labanan ng dalawang tinitingalang boksingero sa kapanahunang ito dahil malaki ang posibilidad na hindi na ito maulit.
Ito ay dahil nagsabi na si Mayweather ng pagnanais na wakasan na lamang ang anim na laban na kontrata sa Showtime para tuluyan na niyang iiwanan ang boxing.
Kung tototohanin ito ni Mayweather lalo na kung matalo ito kay Pacquiao ay katanungang masasagot lamang matapos ang bakbakan.
Samantala, tuwing tumatakbo, nag-eensayo at nag-iispar si Pacquiao ang isip niya ay nakatutok kay Mayweather.
Kaya naman binabalewala niya ang sakit at pagod sa tuwing maiisip niya na kalimutan ang pakay niyang mapag-isa ang world welterweight crown.
“What I always do is focus on Mayweather,” sabi ni Pacquiao kahapon. “I must beat him.”
At palagi niyang maiisip si Mayweather bilang target sa kanyang speedball na palagi niyang inuupakan sa Wild Card Gym.
Inabot naman ni Pacquiao ang rurok ng kanyang preparasyon para sa laban niya kontra Mayweather matapos niyang mag-sparring ng 12 rounds sa Wild Card Gym.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.