Maligalig na OFW | Bandera

Maligalig na OFW

Susan K - April 15, 2015 - 03:00 AM

“ATE Susan, parang awa mo na, tulungan mo po akong makauwi ng Pilipinas. Binubugbog nila ako rito.”

Ito ang nagmamakaawang pakiusap ng overseas Filipino worker sa Saudi Arabia na may inisyal na N.E. Ipinadala niya ang nia ang mensahe sa Facebook account ng Bantay OCW.

Ayon kay N.E., binubugbog, itinutulak sa bintana, binabatukan at binabatukan ng among babae.

Idinagdag niya na hinalikan din daw siya ng kanyang among lalaki at pinagtangkaan pang halayin. Tinakot umano siya nito na huwag magsusumbong sa among babae. Nangako naman ang among lalaki na hindi na raw nito uulitin ang ginawa sa kanya.

Maliban sa mag-asawa, pinagtutulungan din daw siyang saktan ng mga anak ng amo. Binantaan pa siya ng mga ito na gugupitin ang kanyang dila.

Kahit natatakot, sinabi ni N.E. na baka hindi na raw siya makapagpigil at magdilim din ang kaniyang paningin at pagsisihan niya ang maaaring magawa niya.

Ayon pa sa OFW, tatlong beses na umano siyang ibinenta ng kanyang agency at sa kanyang kasalukuyang amo, nag-iisa lamang siyang kasambahay doon kaya siya ang mag-isang nagtatrabaho roon.

Ang kanyang hiling ay sana ay makauwi na siya sa lalong madaling panahon dahil nais din niyang patunayan na hindi patay-gutom ang lahat ng Pilipino.

Ganoon umano ang pagkakilala ng kanyang mga amo sa mga Pinoy.

Ang sabi pa niya ay huwag na sanang magpadala pa ng mga Pinoy sa kanyang employer.

Nang tinanong ng Bantay OCW kung anong address niya at nang mapasaklolohan namin siya kaagad, wala siyang maibigay na lokasyon. Hindi umano niya nito alam.

Ang ginawa niya, nang minsang mautusan siyang lumabas ng bahay, ay kinunan niya sa kanyang mobile phone ang resibong hawak na inisyu ng tindahan sa tapat ng bahay ng kanyang mga amo kung saan nakasulat ang address ng establisimento.

Kinunan din niya ang kalsadang patungo sa kanilang bahay mula sa nasabing tindahan pati na rin ang pinto ng bahay ng kaniyang mga amo. May numero pero hindi rin daw niya kayang basahin.

Matapos naming matanggap ang reklamo, agad kaming kumilos ni Atty. Deo Grafil, head ng Legal mula sa tanggapan ni Vice President Jejomar Binay—presidential adviser on OFW concerns—upang mapauwi si N.E.

Ipinaalam din namin kay Labor Attache’ David Des Dicang ng Department of Labor and Employment ang naturang kaso upang maipaalam kaagad ito sa ating embahada sa Saudi.

Ngunit bago ma-rescue, isang mensahe mula kay N.E. ang aming natanggap:

Sabi niya: “Ate wag na ako mag pa rescue d2 kc kahit marescue nga ako d2 tapos baka tambay naman ako sa embahada kc need ko pa ng monthly na sahod dahil sa mga anak ko at apo, may mga hulugan pa ako. Kinausap ko yung matanda sabi ko kung ayaw na niya talaga sa akin pauwiin na lang niya ako. Sabi gusto po nila ako. Sabi ko ayaw ko lang saktan ako ng mga anak niya. Handa naman ako magtiis, hirap kc sa Pinas maghanap ng work. And2 na ako ate at saka laki ng hirap ko kumuha ng passport sa Pilipinas sa DFA. Yung upoan lang 50 pisos bayad dun grabe. Pero ate I hope you understand me more thanks na lang po. Hanggat kaya ko pa tiis pa at iba na yung ako lagi nag-papakumbaba”. Kapag ang mismong may katawan na ang tumatanggi sa tulong, wala na tayong magagawa.

Sana lang tama ang desisyon ni N.E.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM
Address: 2/F MRP Bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0927.649.9870

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending