Dating Correspondent ng Inquirer patay sa pamamaril
John Roson - Bandera April 13, 2015 - 05:28 PM
Agad ikinasawi ni Melinda Magsino ang tama ng bala sa ulo, sabi ni Superintendent Manuel Castillo, hepe ng Batangas City Police, nang kapanayamin sa telepono.
Naganap ang pamamaril dakong alas-12:10 sa Purok 2, Brgy. Balagtas.
Naglalakad si Magsino sa isang kalsadang palabas mula sa kinaroroonan ng kanyang bahay, nang paputukan ng kalibre-.45 pistola ng isang lalaki, sabi ni Castillo sa BANDERA.
Matapos iyo’y tumakas ang gunman sakay ng nakaabang na motorsiklo, na minaneho ng isa pang di kilalang lalaki, anang police official.
“Ina-ascertain pa namin, kasi matagal na siyang (Magsino) tumigil sa pagpa-practice sa media. Ngayon ay operator siya ng isang therapy clinic dito rin sa city,” sabi ni Castillo nang tanungin kung anong nakikitang motibo sa pamamaslang.
“Tinitingnan pa din namin ‘yun na anggulo, although ngayon ay wala pang definite,” sabi pa ng police official nang tanungin kung isinantabi na ang posibilidad na may kaugnayan ang pagpatay sa dating trabaho ni Magsino bilang mamamahayag.
Habang isinusulat ang istoryang ito’y nagsasagawa ang pulisya ng dragnet operation sa buong lalawigan ng Batangas para maharang ang mga salarin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending