Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
2:30 p.m. Foton vs Philips Gold
4:30 p.m. Petron vs Mane ‘N Tail
Team Standings: Petron (4-0); Foton (3-1); Shopinas (2-2); Mane ‘N Tail (1-3); Cignal (1-3)
IKALIMANG sunod na panalo para walisin ang unang round ang nakataya sa Petron habang kakapit pa sa ikalawang puwesto ang Foton sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference ngayon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Katipan ng Lady Blaze Spikers ang Mane ‘N Tail sa ikalawang laro na magsisimula matapos ang tagisan ng Tornadoes at Philips Gold sa ganap na alas-2:30 ng hapon.
May 4-0 baraha ang Lady Blazers at kung mapalawig pa ng koponan ang pagpapanalo ay titibay pa ang paghahabol nila ng upuan sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Core katuwang ang Asics, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medical.
Sa huling dalawang laro ng Petron laban sa Shopinas at Cignal ay kinailangang bumangon ang koponan mula sa pagkatalo sa first set bago nakuha ang hanap na panalo.
“Hindi naman ako kinakabahan dahil may championship experience sila at kailangan lang na ipakita nila ito lagi. Maigsi ang tournament kaya hindi puwedeng mag-relax,” wika ni coach George Pascua.
Sina Dindin Santiago-Manabat, Rachel Ann Daquis at Aby Maraño ang muling kakamada para makumpleto ang magandang panimula sa hangaring ikalawang sunod na titulo ng koponan.
Ang Petron ang kampeon sa Grand Prix noong nakaraang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.