Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Purefoods Star vs Talk ‘N Text
SA paglipat ng momentum sa panig ng Talk ‘N Text, tatangkain nitong makaulit sa nagtatanggol na kampeong Purefoods Star sa Game Three ng kanilang 2015 PBA Commissioner’s Cup best-of-five semifinals series mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Ang magwawagi sa seryeng ito ay makakatunggali ng Rain or Shine sa best-of-seven championship round. Nakamit ng Elasto Painters ang unang Finals ticket nang mawalis ang Meralco sa kanilang semifinals series, 3-0.
Nakakuha ang Talk ‘N Text ng malalaking numero buhat sa mga guwardiyang sina Jason Castro at Kevin Alas upang talunin ang Purefoods Star, 92-77, noong Lunes at itabla ang serye, 1-all. Doon din napatid ang seven-game winning streak ng Hotshots.
Ang Purefoods Star ay nagwagi sa Game One, 100-94.
Kabilang sa seven-game winning run ng Hotshots ang 118-117 triple overtime na panalo kontra Talk ‘N Text sa Davao City noong Marso 14.
Matindi ang naging simula ng Talk ‘N Text na umarangkada agad, 21-13, sa katapusan ng first quarter. Bumaba ang abante nito, 40-34, sa halftime. Nakasagot ang Purefoods Star sa third quarter upang panandaliang lumamang.
Subalit sa fourth quarter ay nagtulong sina Castro at Alas para sa 20 sa 34 puntos ng Tropang Texters upang tuluyang talunin ang Hotshots.
Nagpakita rin ng kakaibang husay ang Talk ‘N Text import na si Ivan Johnson nang sa depensa naman siya nagninging. Nilimita niya sa dalawang puntos sa fourth quarter si Denzel Bowles na gumawa ng 23 sa first half at sampu sa third quarter.
Subalit dadalawang locals ng Purefoods ang nagtapos nang may double figures sa scoring. Si James Yap ay nagtala ng 15 puntos at nagdagdag ng 10 puntos si Peter June Simon.
Pinamunuan ni Castro ang Tropang Texters nang may 21 puntos. Gumawa ng 16 puntos si Johnson. Nagtala ng 14 puntos si Ranidel de Ocampo at nag-ambag ng tig-12 puntos sina Alas at Jay Washington samantalang nagtapos nang may 10 puntos si Larry Fonacier.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.