10 sorry, hindi unawa | Bandera

10 sorry, hindi unawa

Jake Maderazo - March 30, 2015 - 03:00 AM

MAHIGIT dalawang buwan makalipas ang Mamasapano incident, hindi narinig na nag-sorry si Pangulong Aquino, bagkus at sa harap pa ng Philippine National Police Academy graduates ay sinabi niya ang ganito: “Sa bawat Pilipinong nabigo at nasaktan dahil sa mga pangyayayaring kaugnay ng Oplan Exodus: Buong pagpapakumbaba kong hinihiling ang inyong pang-unawa.”
Hirit pa niya: “Opo, ako nga ang Pangulo pero tao rin ako. Hindi ko kayang basahin ang iniisip ng bawat kausap ko, at hindi ko kayang mabantayan ang lahat sa lahat ng panahon.”

Sa naturang talumpati, lalong tumindi ang tanong ng bayan. Una, bakit hindi sinunod ni Presidente ang “chain of command” sa PNP?
Ano ang pumasok sa isip niya at hindi niya isinama ang kaibigan na si DILG Sec. Mar Roxas at si PNP OIC gen. Leonardo Espina? Alam ba niya ang di pagsunod sa “chain of command” ay magdudulot ng kaguluhan sa liderato ng PNP?

Ikalawa, bakit siya nakipag-usap kay suspended PNP chief Gen. Alan Purisima tungkol sa oplan gayong alam niyang suspendido ito? At kung “jargon” o pagtuturo sa lenggwahe ng pulisya lang ang dahilan, bakit niya pagsasabihan si Napeñas sa pamamagitan ni Purisima na wag sabihin ito kay Roxas at Espina?

Ikatlo, bakit inaprubahan ng pangulo ang mapanganib na misyon para kunin si Marwan at Basit Usman sa lugar na maituturing na MILF-BIFF-PAG territory? Bakit niya ito pinayagan gayong kontra ito sa sinusulong niyang “peace process”at dahil MILF territory ang nasabing lugar, hindi makakagalaw ang AFP.

Ikaapat, bakit matapos ang madugong insidente, biglang nanahimik ang pangulo ng apat na araw. Nawala at hindi nagbigay ng statement. Naghanap ba sila ng mga anggulong ipapaliwanag sa publiko?

Ikalima, bakit pira-piraso at parang piling-pili ang mga impormasyon na ibinibigay sa taumbayan sa mga talumpati ni Aquino? Sa una, sinisi niya ang sinibak na SAF commander na si Gen. Getulio Napeñas dahil sa hindi nito makikipag-coordinate.
Tinawag pa niyang “mission impossible” ang naturang operasyon. Tapos, si Purisima naman ang sinabing nagsinungaling sa kanya. Mali-mali raw ang impormasyon na ibinigay sa kanya ng kaibigan.

Ikaanim, ano nga ba ang nangyari sa loob ng 12 oras kung saan humihingi ng “reinforcements” ang mga nakukulob na SAF 44? Bakit hindi isinapubliko ang palitan ng text messages sa pagitan nina Aquino, Purisima, Napenas at mga opisyal ng AFP sa mga oras na iyon? Imposible namang walang nangyari sa kanila sa 12 oras?

Ikapito, bakit hindi siya sumalubong sa Villamor Air base nang dumating ang mga labi ng SAF 44 bagkus inunang puntahan ang Mitsubishi car plant inauguration? Bilang ama ng bayan, dapat huminto ang iyong mundo para sa nasawing mga anak?

Ikawalo, hindi ba dapat humingi siya ng sorry sa mga byuda ng SAF44, pero naringgan pa siya ng mga salitang “naglalaro ka ba ng computer?”; “Anong gusto niyong gawin ko, kunin ang fingerprint ng lahat ng mga MILF na nakalaban nila?; “Namatay rin ang tatay ko, kaya alam ko rin ang pakiramdam ninyo, kaya tabla tabla na tayo”.

Ikasiyam, hindi dapat makulitan si Aquino sa pangungulit ng mga byuda at mga kaanak ng SAF44 sa paghahanap ng kasagutan sa kanilang mga tanong. Sa halip, ang dapat na ibigay sa kanila ay ang kanyang pang-unawa at ang kanyang paliwanag.
At ika-10, bakit ayaw ng pangulo na magbuo ng isang “independent fact finding commission” para sa nasabing trahedya?

Ito’y sampung katanungan na mahirap maalis sa isipan ng mga biyuda,mga namatayan at maging ang taumbayan kapag SAF 44 ang pinag-usapan. At sa aking palagay, hindi nasagot ng panawagang “pang-unawa” ni Presidente ang mga tanong na ito.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending