Pacquiao kikita ng P5.2 bilyon sa laban nila ni Mayweather
HINDI pa nabebenta ang unang ticket subalit tiba-tiba na ang pinakamayamang laban sa kasaysayan ng boksing sa pagdaan ng mga araw.
Ayon sa pinakabagong kuwenta ng laban, kikita umano si Floyd Mayweather Jr. sa laban nila ni Manny Pacquiao ng $180 milyon (mga P7.92 bilyon), na mas mataas sa naunang prediksyon na $120 milyon. Mas mababa ang makukuhang kita ni Pacquiao subalit inaasahan naman na aabot ito sa higit $100 milyon (mga P5.2 bilyon) pagkatapos na maikuwenta ang lahat.
Limpak-limpak ang perang kikitain ng laban ngunit inaasahan na ito dahil umabot na sa limang taon ang paghihintay ng publiko lalung-lalo ng mga boxing fans para lamang mapanood ito.
“For whatever it’s worth, the buildup over these years has certainly enhanced the fight,” sabi ni Top Rank CEO at promoter Bob Arum. “Everybody knows about it now, even people who don’t follow boxing. Plus we have a good economy, unlike in 2009 when people were out of work and didn’t have the money to spend.”
Malaki naman ang babayaran ng mga fans para mapanood ang Mayo 3 welterweight title bout lalo na ang mga masuwerteng nakakuha ng mga ticket sa loob mismo ng MGM Grand arena. Ang mga presyo ng mga ticket ay mula $1,500 sa upper deck at $7,500 sa ringside at maliit na porsiyento lamang ng mga ticket ang ibebenta sa publiko.
Sinabi rin ni Arum kahapon na ang live gate record sa MGM ay lalagpas sa $72 milyon, na bubura sa dating live gate record na $20 milyon na itinala ni Mayweather sa laban nila ni Canelo Alvarez noong 2013. Bagamat ang MGM ay magbibigay ng mga ticket sa mga bigating sugarol, sinabi ni Arum na ang mga celebrities na normal na nakakakuha ng libreng ticket sa ringside ay kailangang magbayad ng buo para mapanood ang laban at ito ay kung makakakuha pa sila ng mga tickets.
Inihayag din ng mga promoters kahapon ang kasunduan sa Sky Sports na ipapalabas ang laban sa pay-per-view sa England at iba pang bahagi ng Europe. Bahagi rin ito ng isa pang $35 milyon na magmumula sa mga dayuhang kumpanya na kokober ng laban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.