59-anyos bone tumor patient nagtitinda ng rosaryo sa LRT para pambili ng gamot | Bandera

59-anyos bone tumor patient nagtitinda ng rosaryo sa LRT para pambili ng gamot

Chona Yu - March 19, 2015 - 04:04 PM

LOLA

LOLA

“Gusto ko pa pong mabuhay. Gusto ko pa po makita na lumaki ang mga apo ko.”

Ito ang naiiyak na pahayag ni Anita Cajucom, 59, ng Bisig ng Nayon, Sangandaan, Caloocan City.

Ayon kay Anita, sa halip na mamalimos, pinili niya na magtinda ng rosaryo sa tren ng Light Rail Transit Line 1 mula Monumento hanggang Baclaran station para may maipambili ng gamot at pagkain.

Ayaw rin ni Anita na maging pabigat sa apat na anak dahil may kani-kanilang pamilya na ang mga ito.

lola1

Kwento ni Anita, nagkaroon siya ng bone tumor sa gilagid matapos itong pisain ng mister sa gitna ng kanilang pag-aaway.

“Nag-away kami noon kasi nambabae siya. Ang sabi niya, maingay daw ako kaya hinawakan niya ang baba ko,” pahayag ni Anita.

Sinabi pa ni Anita na may pumutok na ugat sa kanyang gilagid at may namuong dugo. Dahil sa kawalan ng pera, hindi niya agad na napatingnan sa doktor. Nagtungo lamang siya sa doktor matapos lumaki ang kanyang baba.

Matapos ang ilang pagsusuri, nakita na basag ang kanyang gilagid at doon na umano siya nagkaroon ng bone tumor. Natanggal na rin aniya ang kanyang mga ngipin.

Bukod dito, tinamaan din ng diabetes si Anita.

“Ang sabi po ng doktor, kung mayroong bone donor, papalitan ng buto ang gilagid ko pero kung wala, plastic bone daw. Napakamahal po, sabi ng doktor, mga P100,000,” pahayag ni Anita.

Dahil sa dumudugo na ang bukol ni Anita, nagpasya siyang magtinda ng rosaryo para may maipambili ng gamot at pagkain.

Sa kada rosaryo na naibi-benta, P5 ang napupunta kay Anita. Mismong ang anak ni Anita ang gumagawa ng rosaryo. Nabasbasan na rin aniya ng pari ang mga rosaryo na kanyang ibinibenta.

Umaabot sa P200 hanggang P300 ang kita ni Anita kada araw. Pero anya, kulang pa ito na pambili ng kanyang gamot.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Minsan tatlong gamot lang ang nabibili ko. Kulang pero pwede na kaysa sa wala akong naiinom na gamot,” dagdag ni Anita.

Sumasakay si Anita sa LRT Line 1 sa Monumento station ng alas 9:00 ng umaga at umuuwi ng alas 3:00 ng hapon.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending