HINDI na nakabibigla ang resulta ng latest survey ng Pulse Asia hinggil sa pagbagsak ng rating ni
Pangulong Aquino.
Inaasahan na ng marami ang pagsadsad ng trust at approval rating ni Ginoong Aquino bunga ng trahedya sa Mamasapano,
Maguindanao na nagresulta sa pagkakapatay sa 44 miyembro ng Special Action Force.
Sa simula pa lang ng pagputok ng isyu ng Mamasapano incident, kinakitaan na kaagad kung gaano kahinang lider ng bansa si Ginoong Aquino.
Sa halip na linawin ang kontrobersiyang bumabalot sa madugong pangyayari ay paunti-unti, kumplikado at malalabong pahayag ang binitiwang mga salita ni Ginoong Aquino hinggil sa kung ano nga ba ang naging tunay niyang papel sa Oplan Exodus.
At higit sa lahat, ang pinakamalaking pagkakamali ni Ginoong Aquino na ikinagalit ng taumbayan ay ang hindi pagsalubong nito sa mga labi ng SAF 44 sa Villamor Air Base, at sa halip ay nagtungo ito sa opening ng isang planta ng kotse sa Laguna.
Kaya nga hindi na nakapagtataka kung ganito ang kina-labasan ng pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Ito ang pinakamalaking puntos na ibinaba ni Ginoong Aquino si-mula nang siya ay maluklok sa kapangayarihan noong 2010.
Sa survey, nakakuha si Ginoong Aquino ng 38 porysento approval rating, mas mababa ng 21 puntos kumpara sa 59 porysento na naitala noong Nobyembre; habang ang kanyang trust rating ay bumaba ng 20 puntos mula sa da-ting 56 porsyento ay nasa 36 porsyento na lang.
Ang tanong sa kung makababangon pa si Ginoong Aquino at muling maiaangat ang kanyang approval at trust rating, tila malabo na itong mangyari.
Naipon na ang galit ng publiko dahil sa mga kapalpakan ng kasalukuyang administrasyon. Sa natitirang mga buwan ng kanyang panunungkulan, mukhang mahirap na mapunan ang mga pagkukulang na ito sa taumbayan.
Maaaring mapalagpas ng sambayanan ang tungkol sa Luneta hostage taking, maging ang kanyang mga Kabarilan, Kakampi, Kaklase (KKK), ang kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP), pero mukhang ma-labo talaga sa pagkakataong ito. Mahihirapan ang administrasyon na hilumin ang sugat at alaala na iniwan sa pamilya at sa taumbayan ng trahedya ng Mamasapano incident.
At dahil sa pangyayaring ito, tama rin ang sabi ng marami na “kiss of death” ang gagawing pag-endorso ni Ginoong Aquino sa sino mang pipiliin niyang magdadala ng bandera ng Liberal Party na tatakbo sa pagkapangulo sa 2016.
May matino kayang kandidato na papayag na siya ay iendorso ni Ginoong Aquino?
Sayang dahil sinasabi nga na tapat at hindi kurap na pangulo si Ginoong Aquino. Hindi siya magnanakaw at kailanman ay hindi magnanakaw sa kaban ng bayan. Tama naman kung talagang pakasusuriin ang paniwalang ito, pero ang kwalipikasyon ng pangulo ay hindi lang nakabase sa pagiging tapat nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.