MARAMI na ang nagtataka, ano raw ba ang meron sa Housing and Urban Development Coordinating Council at hindi ito maiwan ni Vice President Jejomar Binay?
Siya rin ang Presidential Adviser on the overseas Filipino workers.
Hindi naman lingid sa kaalaman ni Binay na hindi pabor sa kanila ang Aquino government.
Sa simula’t sapul ay alam na niya na ayaw sa kanya ng marami sa mga nakapaligid kay Pangulong Aquino, pero hindi pa rin siya umaalis sa Gabinet. At ang katwiran niya gusto niya raw kasing makatulong.
Noong 2013 senatorial elections, nagtayo ng sariling lineup si Binay at kanyang kinalaban ang line-up ng Team PNoy.
Ang akala ng lahat ay hihiwalay na noon si Binay kay Aquino pero hindi ito nangyari. Nanatili siya sa gobyerno.
Malayo-layo pa ang eleksyon ay nagsabi na si Binay na tatakbo siya sa pagkapangulo. Alam niya na hindi papayag ang Liberal
Party na siya ang basbasan ng admi-nistrasyon sa 2016 polls.
Nang mag-imbestiga ang Senado kaugnay ng mga anomalya na kinasangkutan niya at ng anak na si Makati Mayor Junjun Binay, sinabi ng kanyang kampo na ang LP ang nasa likod nito.
Iniugnay nila kaagad sa darating na eleksyon. Ang layunin ay sirain si Binay para hindi manalo sa halalan.
Hindi naman imposible na ito ang layunin. At hindi rin naman ito itinanggi ng ilang bumabatikos sa kanya, ayaw nilang ma-ging pangulo ng bansa si Binay dahil hindi umano siya magiging matino na pangulo.
Kung ganun, bakit ayaw pa ring umalis ni Binay sa Gabinete?
Ang hula ng iba, maraming ipamimigay na bahay ang gobyerno bago ang eleksyon at magagamit umano ito ni Binay na papogi.
May nagsasabi naman na hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Binay na siya ang babasbasan ni Aquino sa halalan.
Ano nga kaya ang totoong dahilan?
Noong nag-iimbestiga ang Senado kaugnay ng anomalya sa Makati City Hall parking building, sinabi ng kampo ni Binay na hindi sa Senado kundi ang Ombudsman ang dapat na magsagawa ng imbestigasyon.
Ginagamit umano ang Senado para sirain ni Binay ng kanyang mga makakatunggali sa eleksyon.
Nagsagawa ng sari-ling imbestigasyon ang Ombudsman at matapos makakuha ng ebidensya ay inirekomenda ng mga nag-imbestiga na suspindihin si Makati Mayor Jejomar Binay para hindi niya maimpluwensyahan ang kaso gamit ang kanyang posisyon.
At gaya ng alam na nating lahat, hindi nagpasuspinde si Binay. Hindi rin niya kinilala ang imbestigasyon ng Ombudsman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.