Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
3 p.m. NLEX vs Globalport
5:15 p.m. Rain or Shine vs Barangay Ginebra
Team Standings: Meralco (6-2); Talk ‘N Text (6-3); Purefoods Star (6-3); Rain or Shine (5-3); Barangay Ginebra (4-4); Globalport (4-4); NLEX (4-4); Barako Bull (4-5); Kia Carnival (4-5); Alaska (3-5); San Miguel Beer (3-6); Blackwater (2-7)
BABAWI buhat sa kabiguan ang Rain or Shine at Barangay Ginebra sa kanilang pagtatagpo sa 2015 PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-5:15 ng hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sa unang laro sa ganap na alas-3 ng hapon, puntirya ng NLEX ang ikaapat na sunod na panalo laban sa Globalport na magpaparada ng ikatlong import.
Napatid ang three-game winning streak ng Elasto Painters nang sila ay talunin ng San Miguel Beer, 129-114, at bumagsak sa 5-3.
Noong Miyerkules naman ay naglaho ang malaking kalamangan ng Gin Kings at binigo sila ng NLEX, 96-90. Ang Gin Kings at Road Warriors ay kasama ng Batang Pier sa record na 4-4.
Sumagwa ang endgame ng laro kontra sa Beermen nang ma-thrown out si Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao matapos matawagan ng dalawang technical fouls bunga ng sagutan nila ni Arizona Reid.
Nais na ng Elasto Painters na kalimutan na ang kabanatang iyon at makausad na upang habulin ang top two spots sa pagtatapos ng elims para makakuha ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Ang Rain or Shine ay pamumunuan ng import na si Wayne Chism na sinusuportahan nina Paul Lee, Gabe Norwood, Jeff Chan at Beau Belga.
Sumasandig naman ang Barangay Ginebra kay Michael Dunigan na tinutulungan nina Greg Slaughter, Japeth Aguilar, LA Tenorio at Mark Caguioa.
Ang Globalport, na galing sa 96-88 pagkatalo buhat sa Talk ‘N Text, ay pangungunahan ngayon ni Derrick Caracter na humalili kay Calvin Warner na bumalik sa Estados Unidos dahil sa personal na problema. Si Caracter ay second round pick ng Los Angeles Lakers (58th overall) noong 2010 NBA Draft.
Makakatunggali niya ang NBA veteran na si Al Thornton na nagtala ng conference high 50 puntos upang tulungan ang Road Warriors na talunin ang Gin Kings.
Bago ang panalo sa Barangay Ginebra, dinaig din ng NLEX ang San Miguel Beer (100-93) at Meralco (89-76).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.