PITUMPU’t pitong beses. Ganyan kalimit ang pagpa-patawad sa mga may atraso at pagkukulang sa atin, ayon kay Jesus. Nakapagtataka! Hindi lang pala pitong beses, gaya nang inaasahan ni Pedro. Pero, 77 beses pa nga. Pagyakap pa rin sa pagpa-patawad bilang panuntunan sa buhay ang kahulugan. Ngunit panuntunan hindi lang sa sarili o sa sariling pamilya o grupo ng mga kaibigan.
Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Dn 3:25, 34-43; Sim 25; Mt 18:21-35) sa Martes sa ikatlong linggo ng Kuwaresma. At ang Pagsasagawa: Unang hakbang, magpatawad. Ikalawang hakbang, magpatawad. Ikatlong hakbang magpatawad…
Kuwaresma ngayon sa susunod na tatlong linggo ay Semana Santa na, panahon ng pangingilin at pagbabalik-Diyos ng mga Katoliko, at isa na riyan ang pangulo, ang butihing anak nina Ninoy at Cory, na masayang-masaya sa P500 bagaman humahagulgol pa rin ng hustisya ang mga balo’t naulila ng SAF 44.
Napakalaki pala ng kasalanang nagawa ni Napeñas sa kanya. Niloko’t binola siya ni Napeñas, pero hindi malinaw na kasama sa pani-nisi ang dahilan kung bakit pinaslang ang 44 pulis ng SAF.
Kung ibinunton ng Ikalawang Aquino ang sisi kay Napeñas pagkalipas ng mahigit isang buwan ng pamamaslang sa mga pulis, hindi naman ito matanggap ng mga balo at nakaligtas (survivors) na mga SAF.
Kalulutang pa lamang ng cell phone video ng isang nakaligtas na SAF habang binabakbakan ng mga Moro ang naunang grupo ng mga pulis. Nasa ikalawang grupo ang kumukuha ng video.
Sa oras na 11:30 ng umaga, walang reinforcement, anang SAF. Pinanood na lang niya ang isa-isang pagkamatay sa maisan ng kanyang mga kasama at hinintay ang “rescue,” na dumating alas-6:30 ng gabi.
Pero, sa bandang huli ay pinuri pa rin ng nakaligtas si Napeñas. “Mission accomplished, sir. Congratulations, sir,” anang pulis kay Napeñas.
Para sa taumbayan, ang napakalaking operasyon, na kinabilangan ng halos 400 pulis, ay kagagawan lamang nina Napeñas, Purisima at Aquino, o NPA. Napakatindi ang paninisi kay Napeñas, at sinisi na rin naman noong una si Purisima at hindi na ito sinisi nang ipagdasal ng iilang Christians (maraming bakanteng silya) sa Malacanang.
At ang hindi na lamang sinisisi ay ang sarili. Pero kailangan munang aminin ang pagkakamali at humingi ng paumanhin o ka-patawaran, na hindi pa nangyayari simula nang ma-ganap ang Luneta massacre.
Kulang sa pansin lang pala ang mga kritiko ni Aquino. Ngayon ko lang nalaman ito; at kung gayon pala, matagal nang kulang sa pansin ang mga kritiko, simula pa noong 2010.
Sa isang mamihan sa Ermita, Maynila, naghagalpakan sa tawa ang dalawang kritiko nang kantiyawan kong KSP pala sila. “Hindi, uy. Dahil pinansin na niya kami, hindi na kami kulang sa pansin, kundi husto na sa pansin.”
Hindi iresponsable ang mga kritiko. Kung bukas lamang ang kanyang isipan ay maaaring natunton pa niya ang tuwid na landas sa pamamagitan ng puna ng mga kritiko.
Halimbawa, ang isyu ng kuryente. Nagalit ang mga taga-Mindanao nang magpatawag ng Power Summit si Aquino dahil blackout na, at hindi brownout, ang nagaganap sa Mindanao.
Iyon pala’y Power Submit lang ang nangyari. Nang hindi na nakayanan ang mga hinaing ay ipinagsumite na lang sila ng mga panukala kung paano maiibsan ang malaking kakulangan sa kuryente.
Sa isyu ng MRT, aba’y sumakay na lang daw ng bus ang nagmamadaling mga pasahero. Kung nakinig lamang si Aquino sa mga kritiko nang sumabog ang kontrobersiya ng Inekon, disinsana’y natugunan ang pangunahing pangangailangan ng pero-karil.
“Kung may pagkukulang man ako, bahala na ang Diyos,” ani Aquino. Hindi nga good Catholic o practicing Catholic ang pangulo, none of the above, o NA.
Napakaraming pagkukulang ang tao at napakarami niyan para isa-isahin. Napakarami ang pagkukulang ng pangulo para isa-isahin.
Di ba’t ang sabi ng Santo Papa nang dumalaw siya sa bansa na nariyan lang ang Diyos at matiyagang naghihintay sa tao na maraming pagkukulang sa kanya? Kung lalapit lamang ang pangulo sa Diyos ay diringgin siya at may magagawa ang Diyos.
Pero, kailangang magta-pat muna ang pangulo at magsabi ng totoo. Malaking kasalanan ang pagsisinungaling at, una, kailangang ihingi ng tawad iyan sa Diyos.
Tulad ng karaniwang deboto o pilgrim sa National Shrine of the Divine Mercy sa Santa Rosa 1, Marilao, Bulacan, humihingi siya ng gabay sa Banal na Awa. Kung lalapit lamang si Aquino, bibigyan siya ng Diyos ng gabay mula sa kawalan patungo sa pag-iral at iaangat siya sa bawat pighati na nararamdaman niya ngayon.
Hindi na hinihintay ng Simbahang Katoliko ang resulta ng anumang imbestigasyon sa masaker sa Mamasapano. Ang hinihintay na lamang, tulad ng inaasam ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles, ay kung sino ang maglalahad ng katotohanan.
Si Napeñas ay makalalaya sa malaking pighati’t pagdurusa kung magsasabi lamang siya ng totoo at kung ilalahad niya ang buong pangyayari. Bahagi siya ng NPA at una siya sa NPA, kaya’t nariyan lang, at naghihintay, ang pagkakataon para siya’y makalaya.
Ito namang si Robin Padilla ay nanaginip nang gi-sing, o gising nang ma-naginip, o gising na nga ay nananaginip pa. Kunsabagay, libre nga ang managinip at maging ang mga baliw sa ospital ng gobyerno ay nagsasalita sa kanilang panaginip, may araw man o wala.
qqq
Mantakin ba naman na sabihing si Rody Duterte raw ang pag-asa nang pinabagsak na Pilipinas ni Aquino kapag ibinoto itong pangulo sa 2016? Umiiwas nga si Duterte sa isyu ng panguluhan, at
ayon na rin iyan kay Manny Pinol.
qqq
Naglalakad nang paluhod sa mga simbahan sa Santa Maria, Bocaue, Norzagaray at Marilao, Bulacan ang ilang matatandang miyembro ng Bulacan fireworks manufacturers association para lamang huwag matuloy si Duterte sa panguluhan. Mantakin na kapag nanalo ay ipagbabawal nito ang paputok.
qqq
Hindi pa riyan kasama ang Chinatown sa Binondo, Maynila, na mas nauna pang dumating sa bansa kesa mga Kastila. Baka maghimagsik ang mga Intsik kapag ipinagbawal ang paputok sa kanilang tradisyon.
qqq
Maaaring mawala na rin ang international pyrotechnics competition na ginaganap taun-taon, at dinarayo ng libu-libo, sa SM Mall of Asia sa Pasay. Marami ang mawawalan ng trabaho at magdurusa ang malaking negosyo sa Bulacan, na nakarating na rin naman sa Cebu.
qqq
Sa susunod na taon ay libre na ang pag-aaral sa kolehiyo sa Caloocan. Napakalaking tulong at sakripisyo iyan ng konseho-siyudad.
qqq
MULA sa bayan (0906-5709843): Duterte for president kami kahit na hindi kami taga-Davao City. Payag na kami sa nanununtok basta magtrabaho lang ng tapat ang mga nasa gobyerno. …0988
qqq
Bakit naman binabaril ng mga residente ang mga bumbero na rumeresponde sa sunog sa Baseco? Sana’y ilabas ito ng media dahil hindi ito binabanggit ni Vice Mayor Isko, gayung isinumbong na namin ito sa kanya. …7534
qqq
Dapat magising na si Vice President Binay na ang tunay na kaaway ng kanyang pamilya ay si Pangulong Aquino. Hindi naman lihim sa Barangay Poblacion na may kamay ni Aquino sa pagkakasuspinde kay Mayor Junjun. …4577
qqq
May impluwensiya na ng ISIS sa Malaysia, Indonesia at Singapore. Papasukin na nila ang Mindanao. Maawa tayo sa ating mga anak at apo. …6075
qqq
Huwag naman kaming idamay na mga Muslim sa Cotabato City. Simpleng magtitinda lamang kami at ayaw naming ng gulo. Ito lamang ang alam naming hanapbuhay dahil hindi naman kami nakapag-aral. …4349
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.