Robin seryoso sa desisyong lisanin na ang Pinas: Hindi ako nagbibiro!
Ni Reggee Bonoan
SERYOSO si Robin Padilla sa mga mensaheng ipinost niya sa kanyang social media account kamakailan tungkol sa pag-alis niya sa Pilipinas dahil sa matinding disappointment niya sa mga nangyayari sa ating bansa.
Mahaba at emosyonal ang naging message ni Binoe para sa kanyang followers, kaya sa presscon kahapon ng bagong endorsement ng aktor, ang Ascof Lagundi na isang all-natural/organic product na talagang sinusuportahan ni BInoe, isa sa mga naitanong sa kanya kung totoo ba ang lahat ng mga naisulat niya roon.
“Ang para sa akin, ang organic walang pinipiling lugar, kaya maski saan ako makarating, hindi naman siguro ako bibitawan ng Pascual (Laboratories) o wala man ay tuluy-tulyo ako sa organic revolution ko, nagkataon lang na pinagtagpo kami ng tadhana kaya nandito kaming dalawa.
“Isa lang ang sasabihin ko, hindi ako magpo-post ng isang bagay na hindi ako seryoso,” ani Robin.
Nagsimula ang lahat nang madismaya si Robin sa desisyon ng korte na makapagpiyansa ng P11.6 million si Sajid Ampatuan, isa sa mga suspect sa Maguindanao Massacre.
Sobrang naapektuhan si Robin sa desisyong ito ng Regional Trial Court dahil nga maraming kababayan natin ang namatay sa nasabing insidente, kasama na ang ilang journalists.
Natanong ito kay Binoe dahil nga kinuha siyang endorser ng Ascof Lagundi kaya paano nga niya mapo-promote ang produkto kung aalis siya ng Pilipinas. Kaya ang sabi ni Robin, huwag na munang pag-usapan ang tungkol sa pag-alis niya ng bansa.
Pagkatapos ng presscon, gusto pa sanang makausap ng press si Binoe tungkol sa ilang isyu sa kanya pero hindi na humarap ang action star sa mga reporter para sa one on one interview.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.