Laro Ngayon
(Puerto Princesa Coliseum)
4 p.m. North vs South
LALARO si Paul Asi Taulava sa ika-13 pagkakataon samantalang pormal na mamamaalam si Jimmy Alapag sa kanilang huling pagsasama sa South squad na pinapaboran kontra sa North selection sa 2015 PBA All-Star Game mamayang alas-4 ng hapon sa Puerto Princesa Coliseum sa Puerto Princesa City, Palawan.
Sa kasalukuyan ay tabla sina Taulava at Purefoods Star team manager Alvin Patrimonio sa pinakamaraming All-Star appearances sa 12. Nalampasan na sana ni Taulava si Patrimonio subalit lumiban siya sa PBA dalawang taon na ang nakalilipas upang maglaro sa San Miguel Beer sa ASEAN Basketball League (ABL).
Nagretiro si Alapag sa paglalaro matapos ang Philippine Cup at ngayon ay team manager siya ng Talk ‘N Text. Subalit ipinagpaliban niya ang pormal na pagreretiro dahil sa maglalaro pa siya sa All-Stars sa huling pagkakataon.
Si Taulava ay ibinotong starter ng South team na may pinakamatangkad na frontline sa kasaysayan ng All-Star. Kasama niya sa starting unit ng koponang hahawakan ni Alaska Milk coach Alex Compton sina Greg Slaughter ng Barangay Ginebra at June Mar Fajardo ng San Miguel Beer. Ang ibang starters ay sina James Yap at Mark Barroca ng Purefoods Star.
Ang South squad ay binubuo nina Dondon Hontiveros, Cyrus Baguio, Reynell Hugnatan, Joe Devance, Peter June Simon, Stanley Pringle at Jeff Chan.
Naboto namang starters ng North selection na hahawakan ni San Miguel Beer coach Leovino Austria sina Mark Caguioa at Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra, Mark Pingris at Justin Melton ng Purefoods Star at Calvin Abueva ng Alaska Milk.
Hindi makapaglalaro si Caguioa na nagtamo ng injury kamakailan at hahalinhan siya sa starting unit ni Jason Castro at sa lineup ni LA Tenorio.
Ang iba pang miyembro ng North squad ay sina Arwind Santos, Paul Lee, Gabe Norwood, Terrence Romeo, Ranidel de Ocampo at Beau Belga.
Nagsimula ang 2015 PBA All-Star Weekend noong Biyernes kung kailan dinaig ng Rookies ang Sophomores, 150-131, sa Blitz Games. Itinanghal na Most Valuable Player si Matt Ganuelas Rosser ng Talk ‘N Text matapos na magtala siya ng 32 puntos, apat na rebounds, dalawang assists at tatlong steals.
Napanatili naman ni Rey Guevarra ang solo kampeonato sa Slam Dunk Contest nang talunin niya si Aguilar. Si Guevarra ay nagtala ng perfect 50 sa slam-off kumpara sa 46 ni Aguilar.
Itinanghal namang Three-Point King si Romeo matapos na talunin niya sina Yap at JC Intal ng Barako Bull.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.