KAHIT paano’y buhay pa ang pag-asa ng San Miguel Beer na makarating sa quarterfinal round ng 2015 PBA Commissioner’s Cup.
Ito’y matapos na magwagi sila kontra sa Barako Bull, 102-91, noong Martes na siyang huling playdate ng torneo bago nag-break para sa 2015 PBA All-Star Weekend na mangyayari sa Puerto Princesa Coliseum sa Puerto Princesa City, Palawan.
Kung natalo ang Beermen sa Energy, medyo malungkot na pangyayari na iyon. Para kasing mahihirapan na silang makahabol considering the fact na matindi ang kanilang mga makakasagupa.
Biruin mong kalaban pa nila ang Rain or Shine sa Marso 13. Sa Marso 18 ay Talk ‘N Text naman ang katunggali nila.
Ang Elasto Painters at Tropang Texters ay dalawang koponang naghahangad na matapos sa unang dalawang puwesto sa elims upang magkaroon ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Ang huling kalaban ng Beermen ay ang Globalport Batang Pier na hindi rin naman puwedeng biruin.
So, kung tutuusin mo’y parang walang puwang sa pagkakamali ang Beermen sa nalalabi nilang mga laban. Parang must-win ang lahat ng larong iyon.
May lumabas namang buti sa laban nila kontra Barako Bull, e.
Kontra sa Energy kasi ay natapilok ang higanteng si June Mar Fajardo sa first quarter at hindi na nagamit pa ni San Miguel Beer coach Leo Austria.
Napakalaking dagok nun para sa Beermen. Kung tutuusin ay puwede na nga iyong maging excuse para sila ay matalo.
Pero hindi nila ginamit na excuse ang kawalan ni Fajardo.
Bagkus ay lumabas ang husay ng Beermen. Lumabas ang kanilang teamwork. Lumabas ang mga dormant na potential ng mga tulad nina Alex Cabagnot at Doug Kramer na nagbida sa laro.
Imbis na bumigay ang Beermen ay nakapagtala sila ng malaking kalamangan sa second quarter.
Pero ito ay hinabol ng Barako Bull na dumikit sa third period.
Ipinakita ng San Miguel Beer na hindi sila natataranta at alam nila kung paano rumesponde sa pressure. Sa dakong huli ay nagtulong sina Arwind Santos at import Arizona Reid upang tuluyang maibulsa ng San Miguel Beer ang ikalawang panalo sa walong laro.
Si Reid ay nagtapos nang may 34 puntos. Nagdagdag ng 22 si Santos, 17 si Cabagnot at 14 si Kramer upang punan ang kawalan ni Fajardo na nalimita sa dalawang puntos.
Siniguro naman ni Austria na makababalik si Fajardo sa susunod nilang game kontra Rain or Shine.
Katunayan, si Fajardo ay hahabol sa Palawan sa Linggo upang maglaro sa South team kung saan ibinoto siyang starter kasama nina Greg Slaughter, Paul Asi Taulava, James Yap at Mark Barroca.
Sabihin na nating matitindi ang nalalabing kalaban ng Beermen.
Pero kailangan naman talaga nilang daanan ang mga iyon upang umabot sa playoffs, e. Kung malalampasan nila ang pagsubok, aba’y magiging mas matatag ang San Miguel Beer sa quarterfinals!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.