Juday masama ang loob sa ABS-CBN; naapektuhan pati si Ryan at 2 anak
MAY kailangang ayusin ang ABS-CBN kay Judy Ann Santos — balita kasing may tampo raw ang aktres-TV host sa kanyang mother station.
Matatandaang inanunsyo ni Richard Yap (mas kilala bilang Papa Chen/Ser Chief) sa ibinigay niyang thanksgiving-Chinese New Year celebration para sa entertainment press na may gagawin silang teleserye ni Juday.
Pero ayon sa isang taong malapit kay Juday, hindi pa pala pumapayag ang aktres sa nasabing proyekto dahil hindi pa siya nakikipag-usap sa mga bossing ng Dos.
Base sa kuwento sa amin, nag-umpisa raw ang sama ng loob ni Juday sa game show niyang Bet On Your Baby na bigla na lang daw nagbabu sa ere nang walang kaabog-abog.
Ang tsika sa amin ng aming source, “Si Juday kasi ang kinakausap ng management, dumiretso sa kanya, so walang alam ang manager niyang si tito A (Alfie Lorenzo).
“Nu’ng nagawa niya ang unang season ng Bet On Your Baby, ang taas ng rating, kaya sinabihan siya na may season 2, pero siyempre magpapahinga muna kasi magpapa-audition pa ng mga bagets.
Kaya ‘yung I Do reality show muna ang isinunod which is very successful din kaya sinabihan ulit na may second season,” kuwento sa amin.
Alam naming may season two ang I Do dahil ito rin ang sabi sa amin ng business unit head ng programa na si Mercy Tolentino-Gonzales na medyo matatagalan nga lang dahil babaguhin ang mga bahay at mechanics kaya malamang sa 2016.
At dito na ipinasok ang second season ng Bet On Your Baby na napapanood tuwing Sabado at Linggo hanggang sa naging araw-araw dahil mataas nga raw ang rating.
Ang iniwang timeslot ng BOYB sa weekends ay napunta sa Home Sweetie Home nina John Lloyd Cruz at Toni Gonzaga.
Sunod na paliwanag ng aming kausap, “Dito na nagulat si Juday, kasi alam niya weekend lang ang Bet On Your Baby kaya once a week lang ang taping, tapos biglang naging weekdays na at naging three times a day na ang taping, so nasira ang schedule nina Juday at Ryan (Agoncillo) sa pag-aaalaga sa mga anak nila.
“Hindi siya kumibo, so dedma, work lang ang lola mo. Alam mo naman ‘yun, hindi kumikibo, mabait na empleyado ‘yun, eh. Kung ano ang ipagawa sa kanya, go lang ng go.
Hanggang sa sinabihan siya na anim na episodes ‘yung ite-tape nila at last taping day na pala ‘yun. Ganu’n lang walang kaabug-abog na parang pinutol bigla,” sabi pa ng aming source.
Nasunod ba ang apat na buwan o isang season ang inere ng Bet On Your Baby? “No idea, kasi si Juday daw ang kausap ng management. Sa pagkakatanda niya walang binanggit kung ilang buwan, basta sinabing may taping, go naman siya,” katwiran pa sa amin.
Tungkol naman sa sinasabing bagong serye ni Juday kasama si Richard ay hindi pa rin daw nakikipag-usap ang aktres sa ABS-CBN, “Nabanggit sa kanya na may serye sila ni Ser Chief, pero ayaw makipag-meeting ni Juday kasi masama ang loob niya kaya nakipag-usap siya kay tito A na siya na ang makikipag-usap sa management.
“All I know, last Friday (Feb. 20) lang nag-usap sina tito A at Deo (Endrinal) for the TV project of Juday and Richard, hindi pa kumpleto ang casting.
Pinagsabihan nga ni tito A si Juday kasi nga sa kanya dumidiretso ang ABS, kaya hindi napaplantsang mabuti ang project, kung nag-stick sila sa kontrata, e, di siguro walang isyu para ikatampo ni Juday,” kuwento pa ng aming nakausap.
Sa madaling salita, wala pang kasiguraduhan kung tatanggapin ng aktres ang project kasama si Richard Yap? “Kailangan munang mawala ang sama ng loob ni Juday kasi paano naman siya magtatrabaho kung hindi pa siya okay at saka naging loyal naman si Juday sa ABS, sana maayos din ang usapan.
“Sana kung anuman ‘yung verbal na usapan ng management at Juday, sana sundin like ‘yung schedule ng tapings, biglang naiba, e, may mga dapat ding i-consider si Juday sa personal niyang buhay, hands-on mom siya at siya rin naga-asikaso kay Ryan,” mahabang salaysay pa ng kausap namin.
Sana’y maayos agad ang problema sa magkabilang panig para hindi na lumala ang issue.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.