Erich nasa panganib ang buhay; pinagmumura, may death threats
NALALAPIT na ang pagtatapos ng hindi ordinaryong kwento ng pagtataksil handog ng hit primetime serye na Two Wives sa ABS-CBN. In fairness, talagang humahataw din ito sa ratings game dahil na rin sa walang sawang pagsubaybay ng mga manonood gabi-gabi.
Kaya kahapon, nagbigay ng thanksgiving-presscon ang buong production team ng Two Wives kung saan nga nakachika ng members of the entertainment press ang mga bida ng serye, kabilang na sina Erich Gonzales at Kaye Abad na talaga namang laging trending topic sa mga social media.
Ayon sa dalawang aktres, natutuwa sila dahil mula nang umere ang Two Wives ay hindi na bumitiw ang mga manonood at ipinapangako nila na mas marami pang aabangang mga nakakaloka at nakakaiskandalong eksena hanggang sa ending ng serye.
Pero hindi pa man natatapos ang pagtutuos nina Yvonne (Kaye) at Janine (Erich) ay nakakaramdam na agad ng halo-halong emosyon ang dalawang leading lady ni Jason Abalos, “Malungkot siyempre kasi matatapos na at mamimiss ko yung mga katrabaho ko pati na ang character ni Yvonne,” sabi ni Kaye.
“Malungkot din pero masaya na matatapos ang show na happy ang management sa outcome at talagang sinuportahan ito ng mga manonood,” sabi naman ni Erich.
Naibahagi rin nila kung gaano kaespesyal sa kanila ang serye. Para kay Kaye, espesyal ito dahil ngayon lang siya muling bumida sa sarili niyang serye kaya naman itinuturing niya ang project bilang isang malaking break sa kanyang career.
“Sobrang laking risk din ng management siguro para ibigay sa akin ang project na ‘to!” pabirong dagdag ni Kaye.
Samantala, espesyal naman kay Erich ang Two Wives dahil ngayon lang siya gumanap na bida-kontrabida sa telebisyon.
“First time ko sa role na bida-kontrabida. Tinanggap ko naman ito dahil gusto ko maiba naman. Ayoko kasi ng roles na paulit-ulit lang. So ayun, ang daming affected kay Janine.
Dito ko na-realize na mahirap talaga ‘yung ganitong roles kasi ‘yung ibang tao nadadala sila sa takbo ng story at akala nila totohanan na,” ani Erich.
Dagdag pa ng aktres, napilitan nga raw siyang tumigil muna sa paggamit ng Instagram at Twitter dahil sa dami ng mga umaaway sa kanya bilang kontrabida.
Aniya, “Talagang nagmumura pa yung iba, galit na galit sila sa akin, meron pang nananakot, death threats ganu’n. So, might as well, huwag muna akong magbukas ng IG or Twitter.
Nakakatakot, but at the same time, nakaka-flatter kasi alam mong effective yung ginagawa mo.”Sa loob ng ilang buwan ay gabi-gabing pinagsasabong ng publiko sina Yvonne at Janine kasama ang mga lalaki sa buhay nila na sina Victor (Jason), Albert (Patrick Garcia), Dale (Rayver Cruz), at Kenjie (Daniel Matsunaga).
Bukod sa gabi-gabing pamamayagpag sa timeslot at pagte-trend sa social media, naging household names din sina Yvonne, Janine, Victor at Albert patunay na marami ang naapektuhan sa kanilang kwento.
Kaya naman sa nalalapit na pagtatapos nito, ang tanong ng bayan ay kung ano nga ba ang kahahantungan ng alitan nila? Hanggang saan sila lalamunin ng paghihiganti? Sino ang matitirang matibay sa dalawa? May lugar kaya sa kapatawaran?
Dahil isa itong local adaptation, magtatapos din ba ang kwento ng Pinoy version ng Two Wives tulad sa orihinal na Korean version nito?
Huwag palalampasin ang nalalapit na pagtatapos ng Two Wives, weeknights pagkatapos ng Forevermore sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.