Xian talung-talo sa husgado ng bayan; matuto na sana
Isang malaking aral ang dapat matutuhan ni Xian Lim sa pinakahuling kontrobersiyang kinasangkutan niya. Hindi sa lahat ng panahon ay kailangan siyang saluhin ng Star Magic, hindi puwedeng tuwing magpapairal siya ng hindi kagandahang asal ay agad nang magbubuo ng damage control ang kanyang network, hindi sa lahat ng pagkakataon ay may maglilinis ng kanyang pangalan.
Walang dapat gawin si Xian bilang isang pampublikong piigura kundi ang laging isaisip na artista siya, kaya gaano man kaliit ang gawin niyang pagkukulang ay parang lobong hihipan ‘yun para lumaki, at siya ang malalagay sa alanganing sitwasyon.
Ang masyadong mataas ang tingin ni Xian sa kanyang sarili ay sarilinin na lang niya ‘yun, huwag na niyang ipangalandakan pa, tutal naman ay tao ang huhusga kung gaano na kalayo ang nararating niya at hindi ang kanyang sarili.
Maraming beses na siyang natatatakan bilang maldito, hindi lang naman sa Albay nagpakita ng ganu’ng ugali ang aktor, kaya nga sa husgado ng bayan ay talung-talo siya.
Ginawa man niya o hindi ang pagsusuplado ay hindi na isyu, nagkapatawaran na sila ni Governor Joey Salceda, pero harinawang dito na magtapos ang tatak niyang kamaldituhan para wala nang negatibong kuwentong ikinakabit sa kanyang pangalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.