RONDA OVERALL LEAD NAAGAW NI BARNACHEA | Bandera

RONDA OVERALL LEAD NAAGAW NI BARNACHEA

Mike Lee - February 24, 2015 - 12:00 PM

NABIYAYAAN si 2011 champion Santy Barnachea ng pagpayag na tulungan siya ng kababayang si Baler Ravina upang agawin ang pangunguna sa overall matapos ang Quezon hanggang Antipolo, Rizal Stage Three ng Ronda Pilipinas 2015 na handog ng LBC kahapon.

Matapos lamang ang 43 kilometro sa 171.1 kilometro karera (Sampaloc Municipality) kumawala na sina Barnachea at Ravina bago hiningi ng una sa huli na magtulungan sila lalo na noong pumalo na sa mahigit limang minuto ang agwat nila sa mga katunggali.

“Nag-usap kami at sinabi ko sa kanya na magtulungan na lang kami at ituloy na ito dahil lumalaki ang lamang namin. Pumayag naman siya at hiningi sa akin ang stage win at sa Sprint at King of the Mountain na ibinigay ko,” wika ng 38-anyos at tubong Umingan, Pangasinan na si Barnachea.

May magkatulad na apat na oras, 35 minuto at  46 segundo ang tiyempo ng dalawang siklista pero unang tumawid si Ravina para sa stage win at P30,000 unang gantimpala. Kuha rin ni Ravina ang tatlong King of the Mountain na pinaglabanan para lumakas ang laban na maging pinakamahusay na climber sa karerang may basbas ng PhilCycling at suportado ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi.

Ang pumangatlo sa stage ay ang national rider na si John Paul Morales sa 4:42:35.

“Ang hinangad ko talaga ay ang lap win dahil malayo naman ako sa overall. Si Santy talaga ang mahabang trinabaho dahil siya ang may kailangan nito,” wika ni Ravina na mula Asingan, Pangasinan.

Ito na ang pinakamahabang ruta sa walong stage na karera at isa sa pinakamahirap dahil sa tatlong ahunan at isa sa nalagas ay ang nagdedepensang kampeon na si Reimon Lapaza.

Isinakay si Lapaza sa ambulansya papasok sa Luisiana dahil sa dehydration. Bago ito ay may iniinda nang trangkaso ang tubong Butuan City na rider pero nagawa pa niyang tumapos sa dalawang naunang stage.

Ang husay ni Ravina sa akyatan ang kinapitan ni Barnachea pagpasok ng Stage Four ngayon at siya na ang nasa overall lead.

Pumanglima sa Stage Two na Calamba, Laguna hanggang Quezon Memorial Forest Park sa Atimonan, si Barnachea ngayon ay may kabuuang oras na siyam na oras at 37 minuto upang iwanan ng halos walong minuto ang two-day overall leader at Stage One champion na si George Oconer na may 4:45:16.

Bago ito ay angat si Oconer ng anim na segundo kay Barnachea.

Nasa ikatlong puwesto si Cris Joven, 8:29 napagiwanan (9:45:29) habang ang Stage Two winner na si Ronald Oranza ay kapos ng 8:41 (9:45:41). Si Morales ay mahigit sampung minuto ang layo kay Barnachea para sa ikalimang puwesto.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Gusto ko talaga na bago ako magretiro ay makakuha pa ako ng isang titulo,” ani pa ni Barnachea na naging kampeon sa Padyak Pinoy Tour of Champions (2009) at Tour of Calabarzon (2002).

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending