MAINIT na pinag-uusapan ngayon ang permanenteng pinuno ng Philippine National Police na itatalaga ni Pangulong Aquino matapos magbitiw si dating PNP Chief Director General Alan Purisima.
Bagamat sinabing nagbitiw sa pwesto at hindi sinibak, ang paglayas ni Purisima sa PNP ay bunga nang matinding galit ng taumbayan sa pagkakapaslang sa 44 Special Action Force (SAF) commando nang makasagupa ang “nagsanib-pwersang” Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao.
Pinaniniwalaang si Purisima mismo ang nagbigay ng direktang utos para ilunsad ang nasabing operasyon sa kabila nang pagiging suspendido nito ng anim na buwan dahil sa kasong corruption na isinampa ng Office of the Ombudsman.
Ngayong lulugo-lugo ang moralidad sa hanay ng kapulisan, makabubuting magtalaga na kaagad si Ginoong Aquino ng bago at permanenteng hepe ng Pambansang Pulisya.
Maraming kontrobersiyang pinasok si Purisima, kilalang matalik na kaibigan ni Ginoong Aquino, bago pa pumutok ang Mamasapano massacre.
Sinasabing ang direction at stability ng PNP ay nakasalalay sa permanenteng lider ng PNP na itatalaga ng pangulo, bukod pa sa magiging malinaw na rin ang chain of command na kamakailan lang ay tahasang binalahura.
Sa ngayon, ang liderato ng PNP ay nakasalalay lamang sa isang Officer-in-charge na si Deputy Director General Leonardo Espina, na nakatakda namang magretiro sa Hulyo.
Tama! Sa harap ng kaliwa’t kanang problema na sinusuong ngayon ng PNP, nararapat lang na kaagad na magtalaga ng permanenteng lider si Ginoong Aquino.
Higit pa sa maayos na track record, ang integridad ang dapat na isaalang-alang sa pagpili ng bago at permanenteng pinuno ng PNP.
Marapat ding nakabatay sa merito o kakayanan ang pipiliin ni Ginoong Aquino na papalit kay Purisima, at hindi dahil siya ay malapit o matalik na kaibigan o kabarilan.
Hindi bulag at bingi ang taumbayan. Alam nila na ang pagpili ni Ginoong Aquino sa mga opisyal ay nakabase sa relasyon niya sa mga ito – kung hindi man kamag-anak, kaibigan ay kabarilan – at ilang beses na rin itong tinuligsa.
Nangyari na ito nang ipuwesto ni Ginoong Aquino ang kanyang mga malalapit na kaibigan sa Land Transportation Office at Department of Interior and Local Government na sa kinalaunan ay napilitang magbitiw dahil sa mga kontrobersiyang kanilang kinasangkutan.
Sapat na ang masamang karanasang idinulot ni Purisima sa gobyerno at sa hanay ng kanyang mga kabaro. Itigil na dapat ni Ginoong Aquino ang sistemeng “kabarilan” para sa pagpili ng kanyang mga opisyales.
Hindi magbubunga nang maayos na pamamahala sa gobyerno kung pawang mga kaibigan, kamag-anak at kabarilan ng pangulo ang kanyang itatalaga sa mahahalagang puwesto.
Magiging matino lang ang takbo ng PNP kung titiyakin ni Ginoong Aquino na isang propesyunal na pulis ang mangunguna sa kanyang hanay para sa isulong ang kapakanan ng bayan.
Ang pagsulong ng PNP ay nakasalalay sa itatalagang permanenteng lider ni Ginoong Aquino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.