MATAPOS mabigyan ng pagkakataon na maidaos sa unang pagkakataon ang Schools, Colleges and Universities Athletic Association (SCUAA) National Olympics, inihayag ni Cagayan Governor Alvaro T. Antonio ang kanyang pagnanais na dalhin sa kanilang lugar ang Palarong Pambansa sa 2016.
Dalawang beses pa lamang tumayong punong-abala ang Tuguegarao City, Cagayan sa Palaro at ito ay nangyari noong 1949, nang nakilala pa ang Palaro bilang Bureau of Public Schools-Interscholastic Athletic Association, at noong 1981.
Naniniwala pa ang 62-anyos na gobernador na hindi mapapahiya ang probinsiya kung ipagkakatiwala ang hosting ng Department of Education (DepEd) dahil maaayos na rin ang ilan pang pasilidad na itinatayo sa 10-ektaryang Cagayan Sports Complex.
“We intend to bid for the Palaro. The construction of other sports facilities will be finished by June and we are planning a bigger preparation where everybody in Cagayan will be involved,” wika ni Antonio.
May ipinagmamalaking rubberized track oval bukod sa Olympic size swimming pool, ang Cagayan Sports Complex ay magkakaroon na rin ng 10,000-seater na People’s Coliseum na ginastahan ng P400 milyon.
Pinalalawig na rin ang grandstand habang itinatayo na ang mga dormitoryo na siyang tutuluyan ng mga atleta at opisyales sa Palaro.
May mga DepEd inspection team ang nasa Cagayan at sinisipat ang mga gagamiting pasilidad.
“Aabot na sa P1 bilyon ang gastos sa (Cagayan Sports) Complex and the construction will be finished by June. We want to show that we have the best facilities in the entire country and we want all the games in Palaro to be held only in Tuguegarao City,” dagdag ng opisyal na dating naglaro ng basketball at high jump sa athletics.
Pormal na binuksan ang SCUAA National Olympics kahapon ng umaga at malugod na tinanggap ng ama ng lalawigan ang humigit-kumulang na 5,000 atleta at opisyales mula sa 17 rehiyon ng bansa.
Nakiisa sa seremonya si Pasig City Congressman Roman Romulo na siyang panauhing pandangal habang sina Cagayan Vice Governor Leonides Fausto, Tuguegarao City Mayor Engelbert Caronan at ang pangulo ng host school na Cagayan State College na si Dr. Romeo Quilang ang iba pang VIPs sa seremonya.
Ang unang ginto ay pinaglabanan kahapon ng hapon sa dancesports habang hahataw na ang iba pang events sa araw na ito.
May 21 sports, kasama ang dalawang demonstration sports, ang paglalabanan sa edisyong ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.