SINUWERTE si French rider Thomas Lebas na nasabit sa dalawang Iranian riders na kumaripas sa ikalawang yugto ng ahunan para kilalanin ang rider ng Bridgestone Anchor Cycling team ng Japan bilang kampeon ng 6th Le Tour de Filipinas na natapos kahapon sa Baguio City Convention Center.
Naorasan ang 29-anyos na si Lebas ng 2:54:43 sa 107.1 kilometrong karera na nagsimula sa Lingayen, Pangasinan at dumaan sa mapanghamong akyatan sa Kennon Road para lumagay sa ikatlong puwesto sa huling stage ng karerang handog ng Air21 na may basbas ng UCI at inorganisa ng Ube Media Inc.
Si 2014 Asian Tour Best Rider Mirsamad Pourseyedigolakhour ang siyang nakakuha sa stage win sa 2:54:01 habang ang kababayang si Hossein Askari ng Pishgaman Giant Team ang pumangalawa sa 2:54:03 oras.
“I did not attack. I just follow the Iranians who are stronger at the peloton today. I was just four seconds in the general (classification) and the others dropped back. I just finish strong,” wika ni Lebas na apat na taon nang kabilang sa Japanese team.
Naiwanan ni Lebas ng mahigit dalawang minuto ang nagdedepensang kampeon na si Mark Galedo ng 7-Eleven Road Bike Philippines para maagaw din niya ang kampeonato sa karerang suportado ng MVP Sports Foundation at Smart.
Bago ito ay angat pa si Galedo ng isang segundo kay Lebas sa pagtatapos ng ikatlong stage kamakalawa.
Sa kabuuan sa apat na yugto ng karerang may ayuda pa ng Victory Liner, San Mig Zero, Novo Nordisk Pharmaceutical Phils. at Canon, si Lebas ay nagkaroon ng kabuuang oras na 10:40:49 at nilamangan niya si Galedo ng isang minuto at 57 segundo.
“Stage win ang puntirya ng mga Iranians kaya kahit lumayo sila okey lang. Pero nagkaroon siya (Lebas) ng pagkakataon na makasabit sa unahan. Sinikap ko siyang habulin pero pagpasok sa View Deck alam kong wala na at second na lang ako. Ganoon talaga at kailangang tanggapin,” wika ni Galedo.
Ang three-stage yellow jersey holder na si Eric Sheppard ng Attaque Gusto Team ng Taipei na lamang ng tatlong segundo kay Galedo at apat na segundo kay Lebas, ay minalas na bumuwal sa huling dalawang kilometro ng karera para tumawid sa ika-27th puwesto, apat na minuto at 22 segundo kapos sa nanalong siklista.
Dahil dito, si Sheppard na pumangalawa kay Galedo noong 2014 ay nalagay sa ikasampung puwesto, 3:40 kapos kay Lebas.
Ang pumangatlo sa overall ay ang kakampi ni Lebas na si Damien Monier sa 13:43:08 oras habang sina Pourseyedigolakhour at Oleg Zemiakov ng Kazakhstan national team ang tumapos pa sa ikaapat (2:34) at limang puwesto (2:40) sa pangkalahatan.
Nawala rin sa 7-Eleven Roadbike Philippines ang pinangarap na panalo sa General Team Classification dahil bumaba sila sa ikaapat na puwesto sa 41:14:58 oras.
Ang Tabriz ang siyang bumulusok sa itaas sa 41:12:13 at angat sila ng isang segundo sa Bridgestone Team. Ang Pishgaman Giant Team ang pumangatlo kapos ng isang minuto at 10 segundo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.