Lahat ng siklista may tsansang sumali sa Ronda
LAHAT ng mga Filipino na marunong magbiskleta ay mabibigyan ng pagkakataon na makasali sa 2015 Ronda Pilipinas na handog ng LBC.
Sa ikalimang edisyon ng karera ay binuksan nito ang pintuan sa lahat ng siklistang Pinoy upang maisakatuparan na pangarap na manalo sa isang malakihang karera ng bisikleta.
“Ronda Pilipinas is not about the route or the race. It is about how the event can help the sport itself and the riders as well,” wika ni Jack Yabut, ang administrador ng karera, sa pagbisita sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.
Mga siklistang may edad 17 anyos pataas ay maaaring sumali at kumarera sa Championship round basta’t ang mga ito ay nakapasa sa qualifying races na gaganapin sa tatlong rehiyon sa bansa.
Ang qualifying race sa Mindanao ay itinakda sa Pebrero 8 at 9. Unang karera ay mula Butuan City hanggang Cagayan de Oro bago sundan ng mula Tubod, Lanao del Norte hanggang Dipolog City.
Ang Visayas elimination ay sa Pebrero 11 at 12 na isasagawa mula Dumaguete hanggang Sipalay at isang Bacolod to Bacolod race. Ang Luzon elimination naman ay sa Pebrero 15 at 16 na isang Antipolo-Antipolo at isang Tarlac-Tarlac race.
Ang mangungunang 30 siklista kada qualifying leg ang papasok sa Championship round na gagawin mula Pebrero 22 hanggang 27.
“For the first time in local racing, we will be holding eight-stages in six days. Ang mahirap dito ay sa Stage One at Stage eight dahil dalawang stages ang pinagsama rito.
Kaya talagang inaasahan natin sa Championship round ay bakbakan ng mga makakapasang siklista,” dagdag ni Yabut.
Ang kompetisyon ay para sa individual category lamang at ang mga mananalo ay magkakamit ng P1 milyong premyo.
Ang mga makakalusot sa qualifying races ay bibigyan ng kani-kanilang teams na susuporta sa kanilang kampanya.
Si Reimon Lapaza ng Butuan City ang siyang nagdedepensang kampeon at seeded sa main event kasama ang mga national riders na sina Mark Galedo at Ronald Oranza na lalaro sa Asian Cycling Championship.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.