Mabubuo na ba ang pamilya ngayong 2015? (2)
Sulat mula kay Roselyn ng Magsaysay St., Miputak, Dipolog City
Problema:
1. Matagal nang hiwalay ang tatay at nanay ko dahil may ibang pamilya na ang tatay ko, pero kahit may iba na siyang pamilya lagi pa rin siyang dumadalaw sa bahay namin at nag-uusap pa naman sila ng nanay ko. Mula nang maghiwalay ang mga magulang ko kaming tatlong magkakapatid ay dito naninirahan sa nanay ko at sabi nya sa amin, nasa tatay ko daw ang pasya kung iiwan nya ang babae nya ay payag naman daw si nanay ko na makipagbalikan para muling mabuo ang aming pamilya.
2. Itatanong ko lang kung sa taong ito ng 2015 may posibilidad kaya silang magkabalikan at muling mabuo ang aming pamilya? Yon lang ang wish ko sa taong ito at sana ay matupad lalo na’t dumating ang Santo Papa sa ating bansa? July 19, 1994 ang birthday ko, habang September 13, 1977 ang tatay ko at January 4, 1979 naman ang birthday ng nanay ko.
Umaasa,
Roselyn ng Dipolog City
Solusyon/Analysis:
Astrology:
Ang zodiac sign mong Cancer (Illustration 2.) habang Capricorn at Virgo naman ang mga magulang mo ang nagsasabing compatible naman sila, subalit ikaw ang isa sa mga magiging susi, upang sila ay muling magkasundo at muling magmahalan.
Numerology:
Ang birth date mong 19, samantalang 4 at 13 naman ang birthday ng iyong mga magulang ay nagsasabing kapag hinimok o hinikayat mo talaga silang magbalikan, sa bandang huli, wala silang magagawa kundi ang sumunod sa iyo, dahil higit na makapangyarihan ang birth date mong 19, kaysa sa birth date nilang 4 at 13.
Luscher Color Test:
Upang mas madali mong mapagkasundo ang inyong mga magulang, dapat na gumamit kayo ng kulay na berde sa inyong bahay. Kapag laging nakikita ng tatay at nanay mo ang kulay na berde, madali na nilang malilimot ang nakaraan, upang muli silang magsimula ng mas masaya at bagong buhay sa ngayon, sa piling ng kanilang mga tunay na anak.
Huling payo at paalala:
Roselyn ayon sa iyong kapalaran sa taong ito ng 2015, ikaw ang magsisilbing susi at ang mga kapatid mo upang muling magkabalikan ang inyong mga magulang. Umpisahan mo ng pakiusapan sila upang pagsapit ng buwan ng Marso, sa taong ding ito ng 2015, kusa ng matutupad ang malaon mo ng pangarap – muling mabubuo, lalo pang magiging maligaya at pang habang buhay na uling magsasama-sama ang inyong pamilya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.