Kaya kailangang turuan ng leksiyon ni Ara
Ngayon pa lang siguro naiintindihan ni Cristine Reyes ang kahalagahan ng respeto at magandang pakikitungo sa mga taga-showbiz.
Sa mga nangyayari ngayon sa kanilang magkapatid ay ramdam ni Cristine na mas maraming manunulat ang nakauunawa kay Ara Mina.
Maging ang maraming artista ay nakikisimpatya rin sa mas nakatatandang aktres, si Cristine naman ay gustong ibitin nang patiwarik sa langgaman ngayon ng mas nakararami, para raw matauhan sa kanyang mga pinaggagagawa.
Tinawag pang cheap reporters ni Cristine ang mga nagpi-PR sa kanyang ate, ‘yun din mismo ang mga manunulat na tumutulong sa kanya, dahil sa pakiusap ni Ara.
Galit na galit kay Cristine ang mga reporters na kinambalan niya ng salitang cheap, kundi lang sa pagmamahal kay Ara ay baka kung ano na ang nagawa ng mga ito sa kanya, idamay ba ang mga manunulat na nagmamahal sa kanilang magkapatid?Sabi ng isang kasama namin sa panulat, “Hindi kaya naiisip ni Cristine na kaya lang naman siya sinusuportahan ng mga reporters, e, dahil sa magandang pakikisamang naitanim ng ate niya?
“Siya ang umaani nu’n ngayon, palaging ang pagmamahal kay Ara ang dahilan kung bakit marami ring publicity si Cristine, pero
binastos pa niya ang mga taong nagmamahal sa kanilang magkapatid!” sabi nito.
Wala na ngang sinasanto ngayon si Cristine, kahit ang kanilang ina ay dinededma lang niya, hindi na kataka-taka kung bakit inupakan niya nang husto ang kanyang ate sa text.
Nakakahiya ang away na ito, nagkaroon din ng ganitong senaryo noon sa pagitan ng magkapatid na Gretchen at Claudine Barretto, pero walang ganito kababastos na salitang ipinakain sa isa’t isa ang magkapatid.
Nakakaawang-nakakaloka si Cristine Reyes.
Tama lang si Ara Mina, kailangan nang turuan ng leksiyon ang kanyang kapatid, si Cristine Reyes na mukhang nagpadala na sa sinasabing popularidad niya ngayon na nauwi sa pagkalunod niya sa kalahating basong tubig.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.