PAGNININGNINGIN ang ika-60 taon ng cycling bilang sport sa bansa sa pagtatapat ng tatlong kampeon sa ilalargang 6th Le Tour de Filipinas na gagawin mula Pebrero 1 hanggang 4.
Mangunguna sa hanay na ito si Mark Galedo na siyang nagdedepensang kampeon habang ang matinding hamon ay manggagaling sa dalawang dating Iranian champions na sina Rahim Emami (2011) at Ghader Mizbani (2013).
Si Emami, na dating naglaro para sa Azad University Cycling Team, ay kakatawan sa Pishgaman Yzad Pro Cycling team habang si Mizbani ay babandera uli sa Petrochemical Team.
“Kilala naman namin itong dalawang Iranian riders dahil nakakalaban na rin namin sila sa mga palaro abroad. Basta kami, may plano kami,” wika ni Galedo na dumalo sa pulong pambalitaan ng pakarerang handog ng Air21 at inorganisa ng UBE Media sa Pandanggo Hall sa Manila Hotel.
Lalaro si Galedo sa national team habang ang ikalawang koponan na kakatawan sa host country ay ang 7-Eleven Roadbike team na katatampukan ng tatlong foreign riders na sasamahan ng dalawang local cyclist.
Magkaiba man ang mga koponan ay magtutulungan ang lahat ng Filipino riders para matiyak na hindi mawawala ang titulo sa Pilipinas.
“Lahat ay sumusuporta sa akin. Pero handa akong ibigay ito sa ibang riders na mas kondisyon. Willing akong sumuporta basta matiyak lamang na hindi mawawala ang title sa Pilipinas,” sabi pa ni Galedo.
May 15 koponan ang maglalaban-laban sa apat na araw na karera at natatanging tagisan sa bisikleta sa bansa na may basbas ng international body na UCI na suportado pa ng MVP Sports Foundation, Meralco at Smart.
“We are happy and excited to host this year’s Le Tour de Filipinas. The number of foreign teams is a testament that the Philippines is a good destination for cycling,” wika ni Donna Flavier Lina na siyang race organizer.
Ang ama ng Philippine cycling na si Alberto Lina at PhilCycling president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino ay dumalo rin sa kaganapan bukod kay Air21 president Jerry Jara at mga kinatawan ng local governments na dadaanan ng karera.
Bukod sa dalawang Iran teams, ang iba pang babalik na dayuhang koponan ay ang Navitas Satalyst Racing Team ng Australia, CCN Cycling team ng Brunei, Pegasus Continental Cycling Team ng Indonesia, Uzbekistan National Team, Terennggani Cycling Team ng Malaysia at Bridgestone Anchor Cycling Team ng Japan.
Ang mga baguhan ay ang Team Novo Nordisk ng Estados Unidos, RTS Santic at Attaque Team Gusto ng Chinese Taipei, Singha Infinite Cycling team ng Thailand at Kazakhstan National team.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.