MRT, LRT fare hike kontra Pasko | Bandera

MRT, LRT fare hike kontra Pasko

Jake Maderazo - December 23, 2014 - 03:00 AM

SIMULA Enero 4 mararamdaman ng mga daily commuters ng MRT at LRT ang mas mataas na pasahe — ang Pamaskong handog ni DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya. Ang dating pasahe sa LRT1 na P15-P20 ay magiging P30; habang ang LRT2 ay magiging P25 at ang MRT na dating P15 ay magiging P29.
Direktang apektado nito ang 700,000 na pasahero sa MRT3, 600,000 sa LRT1 AT 400,000 sa LRT2.
Hindi po maliit na bagay ang taas pasahe na P10 (LRT1)-P14 (MRT3)-P15 (LRT1) sa tatlong riles lalot “one way” lang ito.
Kung kukwentahin natin, makakaltasan ang mga commuter ng balikang pasahe bawat buwan sa loob ng 24 working days (Lunes-Sabado) P480 (LRT2) -P672 (MRT) –P720 (LRT1).
At kung susumahin mo sa isang taon ay P5,760 sa LRT2 rider, P8,064 sa MRT3 at P8,640 naman sa araw-araw na commuter ng LRT1.
Dalawa hanggang apat na sakong bigas ito kada buwan kayat hindi basta-bastang pera sa mamamayan, lalot pinagkakasya na lang nila ang kinikita para lamang mabuhay ng parehas.
***
Sabi ng DOTC, ang dapat daw na pamasahe sa MRT ngayon ay P54 (sa halip na P29), na ang balanse ay inaabonohan ng gobyerno.
Kaya nga raw tinaasan na nila ito bilang pagtupad daw sa Millenium Development Goal (MDG) kung saan “user pays principle” ang iiral sa public transportation services sa halip na “annual subsidy” ng gobyerno na P7-B.
Ito raw ay para ang naturang pondo sa MRT-LRT1-LRT2 ay mapunta sa iba pang proyekto ng gobyerno.
Wala bang saysay ang “P7 bilyong annual subsidy” dahil direktang napakikinabangan ito ng 1.7 milyong commuter?
Kung naglaan sila ng P64.7-bilyon para sa Pantawid pamilya para sa mga mahihirap na pamilya sa buong bansa sa darating na 2015, ano ba naman ang P7 bilyong “Pantawid Pamasahe”?
Kung naglaan sila ng P47 bilyon para sa mga itinagong “pork barrel” o “itemized allocations” ng mga senador at kongresista sa 2015 budget, ano ba naman itong P7 bilyon na subsidiya para sa mga nagpapawis na mga empleyado’t manggagawa.
***
Hindi ko maintindihan kung bakit gigil na gigil sila sa “annual subsidy” na ito gayong sa ibang bansa, ang lahat ng rail systems, maging elevated, underground o sa kalye ay tinutustusan ng gobyerno dahil sa mandato nilang igarantiya ang “people’s mobility”.
Kailangan ng mga gobyernong gumawa ng epektibong public transportation para makara-ting ng mabilis, maayos, matipid at ligtas ang mga mamamayan papunta sa kanilang mga  trabaho at negosyo.
Isipin niyo ang 2015 budget ng administrasyon, tumataginting na P2.66 trilyon na  mangggaling din sa taumbayan. Napakaliit ng P7 bilyon,  halos wala pang isang porsyento (.02%) ng kabuuang 2015 budget. Nahihirapan na nga ang mga pasahero sa napakasamang serbisyo ng rail systems, pinag-interesan pa. Nakakahilo na rin minsan ang gobyerno. Iyung MRT3 na hindi kanya, gustong bilhin, iyon namang LRT1 at LRT2 gobyerno ang may-ari , gusto namang ibenta o ipamahala sa mga negosyante.
Sa totoo lang, hindi na siguro kaya ni abaya ang pressure ng papasok na bagong operator ng LRT1-Cavite Extension kaya nagtaas na sila ng pasahe.
Ito po iyong consortium nina Manny Pangilinan at Ayala Group na nanalong walang kalaban para i-operate ang LRT1 ng 32 years o hanggang 2046.
Hindi kasi makakapagsimula ng konstruksyon ng extension papunta sa lalawigan niyang Cavite ang consortium hanggat hindi tinataas ang pasahe.
Ito po ang nakasaad sa pinirmahan nilang kontrata noong Oktubre at kung magpapatuloy ang hindi pagtaas ng pasahe, magbabayad ng multa ang gobyerno.
Kaya nga, eto na naman tayo. Sino ba ang mas mahalaga sa Aquino administration ang mga negosyanteng mag-ooperate ng LRT1, LRT2 pati MRT3 o ang mahigit 1.7 milyong Pilipino na sumasakay dito?
Ang masasabi ko lang kay Secretary Abaya. Thank you, thank you, thank you, ang kakapal, manhid ninyo!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending