Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5:15 p.m. Alaska Milk vs Meralco
NATAMBAKAN man ng Alaska Milk ang Meralco noong elimination round ay hindi nangangahulugang madaling makakaulit ang Aces.
Inaasahang magiging maigting ang sudden-death na duwelo ng Alaska Milk at Meralco para sa karapatang harapin ang Rain or Shine sa semifinal round ng 2014-15 PBA Philippine Cup mamayang alas-5:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Ngayo’y nagugunita bilang “Halloween Massacre,” ibinaon ng Aces ang Bolts, 105-64, noong Oktubre 31.
Kung iyon ang gagamiting basehan, maraming mag-aakalang didiretso sa semis nang walang hirap ang Aces.
Subalit si Alaska Milk coach Alex Compton mismo ang nagsasabing hindi dapat magkumpiyansa ang kanyang mga bata.
Ang pagkukumpiyansang ito ang dahilan kung bakit dumadaan pa sa quarterfinals ang Aces imbes na nakadiretso sa semis. Natalo sila sa huling dalawang laro ng eims sa Barangay Ginebra (101-92) at Rain or Shine (98-75) upang magtapos sa ikatlong puwesto.
Dumaan din sila sa butas ng karayom bago naungusan ang NLEX, 83-78, sa unang yugto ng quarterfinals noong Huwebes.
Sa kabilang dako, tumaas ang morale ng Meralco matapos nilang wakasan ang paghahari ng nagdedepensang kampeong Purefoods Star, 77-65.
Nagkaroon ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals ang Bolts dahil nanalo sila sa huling dalawang games ng elims kontra Kia Sorento (99-93) at Globalport (82-70).
Ang Aces ay pinamumunuan nina Calvin Abueva, Sonny Thoss, JVee Casio, Cyrus Baguio at Eric Menk.
Ang Meralco, na ngayon ay hawak ni coach Norman Black, ay sumasandig sa mga Asian Gamers na sina Gary David at Jared Dillinger na sinusuportahan nina Cliff Hodge, Reynell Hugnatan at Mike Cortez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.