INATASAN ni Justice Secretary Leila de Lima si Corrections Director Franklin Bucayu na imbestigahan ang report na diumano’y may dalawang-palapag na bahay na itinayo para sa isang convicted drug lord sa New Bilibid Prisons (NBP).
Sus, ma’am, bakit pa si Bucayu ang inatasan mo samantalang siya malamang ang nagbigay ng pahintulot na itayo ang bahay!
Sabi ni De Lima, “Heads will roll, (especially of) those responsible, who allowed it to happen.”
Dapat ang ulo ni Bucayu ang unang gumulong dahil siya ay konsentidor.
Kahit na saan mo tingnan, may basbas si Bucayu sa pagpapatayo ng bahay sa drug lord dahil siya ang big boss sa Bilibid.
Si Amin Boratong, ang may-ari ng “shabu tiangge sa Pasig,” ang tinutukoy na convicted drug lord.
Ang kapatid kong si Erwin at ang inyong lingkod ay may personal na interest sa special treatment na binibigay kay Boratong sa Bilibid.
Kaming dalawa ni Erwin ang naglantad ng shabu tiangge isang dekada na ang nakararaan na nagresulta ng kanyang pagkakakulong.
Nang ipinakita namin kay Philippine National Police (PNP) chief Art Lomibao ang video ng loob ng shabu tiangge, muntik na siyang mahulog sa kanyang upuan.
Na-shock si Lomibao na ang kalahating ektarya na drug den ay pinatatakbo ilang metro lang sa Pasig City Hall .
Inatasan ni Lomibao si Director Marcelo “Jun” Ele na magtatag ng task force at i-raid ang lugar.
Ang plano ng pag-raid sa well-guarded shabu tiangge ay isang master stroke at naging huwaran ng ibang isinagawang mga sumunod na drug raids.
Looking back, parang fortress ang shabu tiangge sa Pasig dahil marami itong mga armadong bantay sa lahat ng sulok.
Nasorpresa ang mga bantay at mga tao sa loob sa tiangge at hindi nakapanlaban.
Only a very intelligent officer like Ele, a lawyer, would have come up with such a strategy.
Tinaya namin ni Erwin ang aming buhay sa pag-expose ng drug den ni Boratong.
Pinayuhan kami ng aming mga kapatid na si Ben at Raffy “not to play the hero” dahil maraming galamay ang mga nagpapatakbo ng drug den.
Hindi kami nakinig dahil kailangang mabunyag ang kasamaan na dulot ng droga sa lipunan.
Kaya’t shocked kami na si Boratong ay tinatratong parang hari sa loob ng Bilibid.
Maraming buhay ng mga kabataan ang sinira at mga lalaking nilagyan ng ipot sa ulo ng kanilang mga asawa dahil kay Boratong.
Sumama kami sa raiding team, na pinangunahan ng Special Action Force (SAF), ang elite unit ng PNP.
Nakita namin na tinitinda ang shabu gaya ng pagtitinda ng mga isda, karne at gulay sa mga tiangge o palengke.
Nakita namin ang maraming babae, bitbit ang kanilang mga anak, na customers ng tiangge.
Naghihintay ang mga babae na sila’y makaiskor.
Yung mga walang pera ay nagpapakasta sa mga drug pushers sa loob ng ilang kubol sa tiangge.
Kung ako ang masusunod, si Bucayu at kanyang mga alipores na nagbibigay ng VIP treatment kay Boratong ay dapat ipalinya at pagbaba-rilin sa firing squad kasama ang kanilang alaga na drug lord.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.