Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Rain or Shine vs Alaska Milk
7 p.m. San Miguel Beer vs Talk ‘N Text
Team Standings: San Miguel Beer (8-1); Alaska Milk (8-2); Rain or Shine (7-2); Talk ‘N Text (7-3); Barangay Ginebra (6-4); Globalport (5-5); Meralco (5-5); Purefoods Star (5-5); Barako Bull (4-6); NLEX (3-7); Kia (1-9); Blackwater (0-10)
DIDIRETSO ba sa semis o dadaan pa ng quarters?
Ang katanungang ito ang sasagutin sa salpukan ng Alaska Milk at Rain or Shine sa PBA Philippine Cup mamayang alas-4:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa alas-7 ng gabi na main game, sisikapin ng San Miguel Beer na mapanatili ang kapit sa solo first place sa pagkikita nila ng Talk ‘N Text.
Biglang nalambungan ang tsansa ng Aces na makadiretso sa semis matapos na matalo sila sa Barangay Ginebra, 101-92, noong Martes. Dahil dito ay bumagsak sila sa ikalawang puwesto sa kartang 8-2 sa likod ng Beermen na may 8-1.
Ang Rain or Shine at San Miguel Beer ay kapwa may five-game winning streak. Ang Elasto Painters ay may pagkakataong dumiretso sa semis kung mapapanalunan nila ang huling dalawang games. Sa Linggo ay kalaban nila ang Barangay Ginebra.
Nagawa ng Rain or Shine na magtala ng winning streak sa kabila ng pagkawala nina Jeff Chan, Jervy Cruz, Chris Tiu at Jeric Teng na pawang may injuries.
Ang pagkawala nila ay pinupunan nina Gabe Norwood, Beau Belga, Ryan Araña, Tyrone Tang at Paul Lee na kamakailan ay pinarangalan bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
Ang Alaska Milk ay pinamumunuan nina Calvin Abueva, Sonny Thoss, Cyrus Baguio, JVee Casio at Dondon Hontiveros.
Hindi pa rin opisyal na nasusungkit ng San Miguel Beer ang automatic semis berth dahil kailangan pa rin nitong mapanalunan ang huling dalawang laro. Subalit ang Beermen ay pinapaboran laban sa expansion team Blackwater Elite sa pagtatapos ng elims sa Disyembre 9.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.