Pamilya ni Daniel nanghingi agad ng donasyon para sa mga mabibiktima ng bagyong ‘Ruby’
NGAYON pa lang ay nananawagan na ang pamilya ni Daniel Padilla sa pamamagitan ng kanyang inang si Karla Estrada ng tulong mula sa kanilang mga kaibigan para sa mga kababayan nating posibleng masalanta ng bagyong Ruby.
Bukas inasahang hahagupit ang bagyong Ruby sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kaya naman maagap din ang paghingi ng aksiyon nina Karla.
“Ako at aking mga anak ay kasama ninyong nagdadarasal para sa mga kababayan natin na naghahanda na harapin muli ang parating na bagyo. Sana hindi matuloy! Pero mas mainam na ang handa tayo. Sa pamilya ko sa Leyte, magdasal po tayo na walang malagas muli. Magdasal po tayo para sa kaligtasan ng lahat,” mensahe ng ina ni Daniel sa kanyang IG.
Dagdag pa nito, “Para sa lahat ng gustong mag bigay ng tulong, uulitin natin muli. Magpapadala tayo ng direktang tulong sa mga nasalanta. Maaari ninyong ipadala sa #4 Lilim St., Dona Perrona Subdivision, Brgy Pasong Tamo, Quezon City. Maraming salamat po.”
Hirit pa ni Karla, “Kung maari ay dry goods lang po ang tulong natin. Hindi po kami tatanggap ng cash or pera.”
Kamakailan lang ay binigyang-parangal ang mag-ina para sa ginawa nilang pagtulong sa Yolanda survivors sa Tacloban.
Bukod sa ginawa nilang relief operation sa nasabing probinsiya, binigyan din ng libreng concert ni Daniel ang mga taga-Tacloban para kahit paano’y maibsan ang mga problema ng mga tagaroon na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakaka-recover sa nagdaang trahedya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.