NAKATAKDANG magbalik ang mga karera sa Metro Turf ngayon Sabado at Linggo.
Isang ocular inspection ang isasagawa ngayon ng mga hinete at pamunuan ng Metro Turf, ang ikatlo at pinaka-bagong racing club sa bansa, para tingnan ang ginawang pagkumpuni sa race track nitong mga nakaraang araw.
Matatandaan na hindi naidaos ang dalawang araw na karera sa MMTCI noong isang linggo dahil sa pagtanggi ng mga hinete na sumakay sa pangamba na sapitin ang nangyari kay LT Cuadra Jr. na nahulog sa kabayo ilang segundo lang mula umpisa ng karera at kinailangang operahan sa ulo.
Sa panayam kay Philippine Racing Commission (Philracom) commissioner at executive director Jess Cantos, sinabi niyang kumilos ang Metro Turf sa pamamagitan ng paglatag ng mga binistay na buhangin sa ibabaw ng race track.
“Pinatungan ang track ng binistay na buhangin para maging kutson. Nasa tatlong dipa na ang naayos at pitong dipa na lang ang gagawin para makumpleto ito,” wika ni Cantos.
Nagkaroon na rin ng mga trangko sa pista at tiniyak na rin na hindi na matigas ang pista. Ang matigas na pista ang nagpapabilis sa tiyempo ng mga kabayo sa karera at naglalagay sa peligro sa mga hineteng nahuhulog sa kanilang mga sakay.
“The jockeys are on top of the situation. Kung ayos na sa lahat ang pista, isang pusisyon muna ang gagawin bago magsimula ang race one sa Sabado,” ani Cantos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.