Yolanda episode ni Ejay sa MMK hataw sa ratings game
Pinaluha at binigyang inspirasyon ng Maalaala Mo Kaya ang viewers sa kwento ng katapatan, pag-asa at pagbangon ng isang preso sa Tacloban na nagngangalang Jomar (ginampanan ni Ejay Falcon), na boluntaryong bumalik sa kulungan matapos tulungan ang kanyang pamilya nang manalasa sa kanilang probinsya ang super bagyong si Yolanda.
Ayon sa datos mula sa Kantar Media noong Sabado (Nob. 15), nanguna sa listahan ng most-watched TV programs noong weekend (Sabado at Linggo) ang MMK Tacloban taglay ang national TV rating na 30.7%, or 8 walong puntos na mas mataas kumpara sa katapat nitong Magpakailanman sa GMA (23%).
Bukod sa mataas na national TV ratings, namayagpag rin sa Twitter ang MMK episode. Naging isa sa worldwide trending topics noong Sabado ang official hashtag ng programa ba #MMKTacloban.
Samantala, magpapatuloy ang MMK sa pagbabahagi ng inspirasyon sa mga manonood sa pamamagitan ng panibagong drama episode nito ngayong Sabado kung saan bibida si Sunshine Cruz.
Gaganap si Sunshine bilang si Cynthia, ang mapagmahal na asawa at ina na laging inuuna ang kapakanan ng kanyang pamilya kesa sa sarili niyang kaligayahan.
Sa labis na pagpapahalaga na mapanatiling buo ang kanyang pamilya, hindi na iniinda ni Cynthia ang miserable niyang buhay sa piling ng mapang-abuso at selosong mister.
Matutunan kaya ni Cynthia na manindigan para sa kanyang sarili kapag malaman niyang maging ang kanyang mga anak ay biktima na rin ng pangmamalupit ng kanilang sariling ama?
Bahagi rin ng MMK episode na ito sina Gardo Verzosa, Sue Ramirez, Janus Del Prado, Nikki Valdez, Kristel Fulgar, Isabel Lopez, Joshua Dionisio, Alexa Macanan, Nathaniel Britt, Kyline Alcantara, Margareth Nico, Jacob Dionisio, Jeffrey Hidalgo at Onse Tolentino.
Ito ay sa direksyon ni Raz dela Torre at sa panulat nina Arah Jell Badayos at Benjamin Benson Logronio. Huwag palampasin ang MMK, tuwing Sabado, 7:15 p.m. after Home Sweetie Home sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.