7 Pinoy MMA fighters sasabak sa ONE FC event
PITONG Pinoy mixed martial arts fighters ang magpapakita ng husay sa loob ng octagon cage sa harap ng mga Pilipinong manonood sa pagsambulat ng ONE FC: Warrior’s Way sa Disyembre 5 sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Pangungunahan ni Fil-Am Brandon Vera, na isang international MMA superstar, ang mga Pinoy na sasalang sa nasabing event.
Ang ONE FC: Warrior’s Way ang ikalimang event ng ONE Fighting Championship sa bansa at ang bigating fight card ay katatampukan ng mga Filipino superstars na lalaban sa mga dayuhang katunggali.
Sina Vera, Ana Julaton, Jujeath Nagaowa, Honorio Banario, Kevin Belingon, Rene Catalan at Eduard Folayang ang pitong Pinoy MMA superstars na sasalang sa nasabing fight card at ang nasabing grupo ay magpapakita ng impresibong martial arts na talento ng Pilipinas.
Sina Julaton at Nagaowa ay mga dating boksingero at ang una ay dating WBO at IBA super bantamweight champion.
Sina Catalan, Banario, Belingon at Folayang ay pare-parehong mayroong mahabang listahan ng mga karangalang nakuha mula sa wushu habang si Vera ay isang dating kickboxing champion at kilala bilang isa sa mga premyadong MMA fighter sa kasaysayan ng nasabing sport.
Kung sakaling manalo ang mga Filipino MMA stars mabibigyan sila ng pagkakataong lumaban para sa titulo sa mga hinaharap na event ng ONE FC.
Si Vera ay makakasagupa si Igor Subora ng Ukraine sa kanilang heavyweight match.
Si Julaton ay makakatapat si Egyptian kickboxing champion Walaa Abbas habang si Nagaowa ay makakaharap si Tharoth Sam, na isang mixed martial arts pioneer sa panig ng mga kababaihan sa Cambodia.
Si Banario, isang dating ONE FC featherweight world champion, ay pipilitin namang makabangon laban kay Brazilian jiu-jitsu world champion Herbert Burns.
Si Belingon ay makakasukatan si Koetsu Okazaki ng Japan habang masusubok ang kalibre ni Folayang laban kay Timofey Nastyukhin ng Russia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.