Iriga wagi sa cheerdance ng Batang Pinoy Luzon
NAPAGTAGUMPAYAN ng Team Iriga na mapanatiling hawak ang titulo sa cheerdance habang ang Quezon City ang namumuro para maging pinakamahusay na delegasyon sa idinadaos na 2014 Batang Pinoy Luzon elimination na ginagawa sa Naga City, Camarines Sur.
Nakalikom ang panlaban ng Iriga ng 233 puntos para itulak ang Quezon City sa ikalawang puwesto bitbit ang 222 puntos kahapon sa Jessie Robredo Coliseum. Pumangatlo ang Maasin City sa 103.7 puntos.
Kuminang din ang Taguig dahil nanalo ang Taguig A sa Group Stunts Mixed habang ang Taguig din ang kampeon sa Group Stunts All Male. Ang Laguna naman ang kampeon sa Group Stunts All Female at Team Acrobats.
Samantala, kumulekta ang Quezon City jins ng anim na gintong medalya at walo pa sa muay thai para umalagwa sa unang puwesto sa hanay ng 156 local government units na sumali sa limang araw na paligsahan sa mga batang atleta edad 15 anyos pababa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) at may basbas ng Philippine Olympic Committee (POC).
Nanguna pa sa swimming event sa 18 ginto, 20 pilak at 16 tansong medalya, ang Quezon City ay may nangungunang 48 ginto, 32 pilak at 26 tansong medalya.
Ang Muntinlupa City ang nasa ikalawang puwesto sa 24 ginto, 8 pilak at 12 tansong medalya.
Naging puwersa ng Muntinlupa ang tatlong swimmers sa pamumuno ni Maurice Sacho Ilustre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.