USAP-usapan ngayon ang kontrobersiyang ibinabato kay on-leave Health Secretary Enrique Ona at maging kay Assistant Secretary Eric Tayag kaugnay nang umano’y maanomalyang P833.67 milyong pagbili ng antipneumonia vaccines.
Mismong si Pangulong Aquino ang nagkumpirma na pinagbakasyon niya si Ona ng isang buwan para makapaghanda ito ng paliwanag kung bakit binili nito ang nasabing vaccine, taliwas ito sa naging rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) at iba pang global health experts.
Ipinag-utos na rin ni Aquino kay Justice Secretary Leila De Lima na paimbestigayan sa National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y anomalya sa DOJ.
Itinalaga naman ni PNoy si DOH Undersecretary Janette Garin bilang acting secretary ng DOH habang naka-leave si Ona.
Ayon pa kay Pangulong Aquino, nakasalalay sa magiging paliwanag ni Ona at resulta ng imbestigasyon ng NBI kung mananatili pa siya sa kanyang puwesto.
Marami naman ang nagtaas ng kilay sa posibilidad na pagtatalaga kay Garin bilang permanenteng DOH secretary.
Hindi ba’t nasa-sangkot din si Garin sa pork barrel scam matapos umanong ma-divert ang P5 bilyon PDAF funds sa pamamagitan ng ngayong ay binuwag na National Agribusiness Corp. (Nabcor) at mapunta sa mga pekeng NGOs ng tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Malaki ang utang na loob ni PNoy kay Garin matapos na maipasa bilang ganap na batas ang Reproductive Health Law.
Matagal nang usap-usapan na si Garin ang iuupong DOH secretary kapalit ng kanyang ginawang papel sa RH law.
Kung totoo ang ibinabatong alegasyon laban kay Ona, hindi bat nararapat na isang opisyal na walang bahid ang kredibilidad ang italaga ni Aquino?
Sa harap din ng banta ng Ebola virus, marami ang nagsasabi na dapat ay insider na lang sa DOH ang ipalit ni PNoy kay Ona.
Hindi biro ang trabaho na kakaharapin ng DOH hinggil sa Ebola virus kayat nararapat lamang na hindi dapat mapulitika ang pamunuan ng kagawaran.
Hindi dapat maliitin ng Palasyo ang laki ng problemang dulot ng Ebola virus.
Dapat ay italaga sa DOH ay may alam sa laki ng problemang kinakaharap ng kagawaran hindi lamang sa problema ng ebola virus kundi ang iba pang trabahong kinakaharap ng DOH.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.