Laro Ngayon
(Davao City)
5 p.m. Rain or Shine vs Meralco
MATAPOS na mabawi ang kanyang shooting touch, ipagpapatuloy ni Jeff Chan ang pagsingasing sa paghabol ng Rain or Shine sa ikatlong sunod na panalo kontra Meralco sa isa na namang out-of-town game ng 2014-15 PBA Philippine Cup mamayang alas-5 ng hapon sa University of Southeastern Philippines gym sa Davao City.
Ang Elasto Painters ay nakabangon buhat sa 99-76 pagkatalo sa Talk ‘N Text sa pamamagitan ng dalawang sunod na panalo laban sa Barako Bull (98-71) at Globalport (86-83) upang umangat sa 4-2.
Sa kabilang dako, ang Meralco, ay galing sa 80-72 pagkatalo sa Talk ‘N Text at bumagsak sa 3-2.
Si Chan, miyembro ng Philippine team na pumampito sa basketball competition ng nakaraang Asian Games, ay nagkaroon ng breakout game kontra Barako Bull kung saan nagtala siya ng 23 puntos. Gumawa siya ng 16 laban sa Globalport.
Ang magkasunod na panalo ay naitala ng Rain or Shine matapos na magbanta si coach Joseller “Yeng” Guiao na magsasagawa ng trade ng koponan sakaling hindi pa rin manalo ang Elasto Painters.
Bukod kay Chan, si Guiao ay sumasandig din kina Gabe Norwood, Beau Belga, JR Quinahan at Paul Lee.
Ang Meralco, na ngayon ay hawak ni coach Norman Black, ay pinamumunuan din ng mga Asian Gamers na sina Gary David at Jared Dillinger na sinusuportahan nina Cliff Hodge, Reynell Hugnatan at Mike Cortez.
Balik sa Araneta Coliseum sa Quezon City ang mga laro bukas kung saan makakasama na ng Barako Bull si Dorian Peña sa salpukan nila ng Kia Sorento sa ganap na alas-3 ng hapon. Ito ay susundan ng alas-5:15 ng hapon na duwelo ng San Miguel Beer at Barangay Ginebra.
Samantala, umangat ang Alaska Aces sa malinis na 6-0 kartada matapos nilang tambakan ang Blackwater Elite, 69-56, sa kanilang PBA game kahapon sa Big Dome.
Nahulog naman ang Elite sa 0-6 karta.
Si Eric Menk, na nahirang na Best Player of the Game, ay nagtala ng 14 puntos at 13 rebounds para pamunuan ang Aces.
Sina Calvin Abueva at Vic Manuel ay nag-ambag ng 13 at 10 puntos para sa Alaska.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.