Spurs ginapi ang Warriors; Mavericks wagi sa Kings
NAGTALA si Tony Parker ng 28 puntos at pitong assists habang si Kawhi Leonard ay umiskor ng 19 puntos para pamunuan ang San Antonio Spurs sa panalo laban sa Golden State Warriors, 113-100, sa kanilang NBA game kahapon sa Oakland, California, USA.
Ang defending NBA champions ay pinaglaro ang kanilang beteranong Big Three — Parker, Manu Ginobili at Tim Duncan — sa magkakasunod na araw para maitakas ang pinakamahirap na back-to-back games sa California. Ang Spurs ay naghabol kontra Los Angeles Clippers tungo sa pagtala ang 89-85 panalo noong isang araw bago pinataob ang isa sa pinakamainit na koponan sa liga sa Oakland.
Si Klay Thompson ay kumana ng 29 puntos habang si Harrison Barnes ay gumawa ng 22 puntos at walong rebounds para sa Warriors, na natalo ng dalawang sunod na laro matapos ang 5-0 pagsisimula sa ilalim ng bagong coach nitong si Steve Kerr.
Mavericks 106, Kings 98
Sa Dallas, si Dirk Nowitzki ang naging highest-scoring NBA player na ipinanganak sa labas ng Estados Unidos at tinulungan ang Dallas Mavericks na makabangon buhat sa 24 puntos na paghahabol para talunin ang Sacramento Kings.
Kinamada ni Monta Ellis ang 10 sa kanyang 16 puntos sa ikatlong yugto kabilang ang isang fadeaway 3-pointer sa pagtunog ng buzzer matapos na makuha ng Mavericks ang kanilang unang kalamangan sa ika-21 diretsong regular-season panalo nito sa kanilang homecourt laban sa Sacramento.
Nalagpasan ni Nowitzki si Hakeem Olajuwon para sa ikasiyam na puwestso sa all-time scoring list. Ang 7-foot German ay nagtapos na may 23 puntos para makalikom ng 26,953 career points, angat ng mahigit pitong puntos sa Nigerian-born na dating superstar center ng Houston Rockets.
Si Rudy Gay ay umiskor ng 26 puntos para pangunahan ang Kings.
Grizzlies 107, Lakers 102
Sa Memphis, Tennessee, gumawa si Mike Conley ng 23 puntos at nakakuha ang Grizzlies ng matinding suporta sa kanilang bench para talunin ang Los Angeles Lakers.
Pinamunuan ni Kobe Bryant ang Lakers (1-6) sa kinamadang 28 puntos subalit tumira siya ng 10 of 26 mula sa field at nilagpasan si Boston Celtics great John Havlicek para sa most missed field goals sa NBA career.
Si backup guard Beno Udrih ay nag-ambag ng 16 puntos para sa Memphis. Si Courtney Lee ay umiskor ng 15 puntos para sa Grizzlies na may anim na players na may double figures kabilang na si Zach Randolph na may 11 puntos at 10 rebounds.
Ang Memphis ay nanalo naman ng 17 diretsong regular-season home games magmula nang matalo noong Pebrero sa Dallas.
Raptors 104, Magic 100
Sa Toronto, umiskor si Kyle Lowry ng 19 puntos habang si Terrence Ross ay nagdagdag ng 17 puntos para pamunuan ang Toronto Raptors sa panalo kontra Orlando Magic.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.