Kinakaltasan pero walang hulog sa SSS, PhilHealth (part 2)
MAGANDANG araw po sa inyo!
Nais ko lang po sanang isangguni sa inyo ang problema ko hinggil sa SSS at PhilHealth contributions ko mula sa pinapasukan kong janitorial agency. (Editor: Dahil sa kahilingan ng sumulat ay ikukubli ng Bandera ang kanyang pangalan at SSS No.).
Kasalukuyan po akong nagtratrabaho sa I-Act Janitorial & Gen. Services Inc. Ang nasabing agency ay matatagpuan sa 43A Katihan st., Poblacion, Muntinlupa City. Empleyado na po nila ako si-mula pa noong early 2000. Pero noong Dec. 2009 ay natigil na po ang contributions ko sa SSS at PhilHealth gayung tuluy-tuloy naman ang pagkakaltas nila sa amin ng naturang benipisyo.
From 2010 up to the present wala na pong hulog ang aking SSS at PhilHealth sa tuwing nagbe-verify ako. Ang nasabing problema ay naitanong ko na po sa aking agency pero ang sabi nila nagkaroon lang daw sila ng backlog sa mga payments nila sa SSS-Alabang kung saan sila naghuhulog.
Pero sa tagal na ng panahon ay ganoon lagi ang sinasabi nila kaya tuloy ay di ko magamit ang mga benipisyo ng SSS at PhilHealth, katulad ng salary loan sa SSS, kasi po ay walang latest na hulog ang aking SSS. Idadagdag ko na rin po na simula noong 2011 ay di na po nagbibigay ng payslip ang aking agency tuwing sumasahod kami. Kaya lalo akong nag-aalala na baka mapunta lang sa wala ang mga kinakaltas sa amin. Kasi po wala ka-ming maipakita sa SSS kung sakaling mag-rereklamo kami.
Ang nais ko lang po sanang malaman at maiparating sa SSS-Alabang ay kung talaga po bang naghuhulog pa ng SSS contributions ang aming agency na I-Act Janitorial & Services Inc. at ganoon din sa PhilHealth.
At itatanong ko na rin po kung ano ang gagawin gayong di po nagbibigay ng payslip ang aming agency para mahabol po namin ang kinakaltas sa amin.
Kung maaari lang po sana ay pakikubli ang tunay kong pangalan kung sakali pong mailathala nyo ito sa diyaryo para lang po sana sa seguridad ko sa aking trabaho.
Maraming salamat po.
REPLY:
Gaya nang sinabi natin noong isang linggo na ipasasagot natin ito sa SSS kaya’t narito na ang kanilang sagot. Una nang sumagot dito ang Philhealth.
Ayon sa ating complainant, natigil ang paghuhulog ng kanyang mga kontribusyon sa SSS mula 2010 samantalang hanggang ngayon ay nagtatrabaho pa rin siya sa kanyang employer na I-Act Janitorial and General Services Inc. at patuloy pa ring kinakaltasan ang kanyang sweldo para sa SSS kontribusyon.
Nakipag-ugnayan kami sa aming sangay sa Alabang at ayon sa kanila, kasalukuyan nilang isinasaayos ang isang demand letter para sa inyong employer kung saan nakasaad ang halaga na dapat nilang bayaran para sa mga hindi nabayarang kontribusyon at bayad sa utang ng kanyang mga empleyado. Kapag naibigay na ng SSS Alabang ang demand letter na ito, bibigyan ang inyong employer ng limang araw para sumagot dito. Kapag hindi sila mag-comply, sasampahan na sila ng kaso ng SSS.
Sana po ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan.
Salamat po sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Sumasainyo,
MAY ROSE DL
FRANCISCO
Social Security
Officer IV
Media Affairs
Department
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa [email protected], [email protected] or [email protected].
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.