NAIPASOK ni Fran Yu ang malapitang buslo para tulungan ang Chiang Kai Shek College sa 73-71 double overtime paninilat sa National University sa pagsisimula noong Sabado ng 3rd Philippine Secondary Schools Basketball Championships sa CKSC gym.
Bago ito ay humablot ng krusyal na offensive rebound si Rafael Toribio mula sa dalawang sablay sa free throw line ni Jonas Tibayan at nasipat ang libreng si Yu tungo sa winning basket.
Si JV Gallego ay may 29 puntos para sa Blue Dragons at ang kanyang apat na sunod na free throws ang nagbangon sa koponan mula sa 56-61 paghahabol para maitabla ang laro sa 63-all sa regulation.
May 20 puntos si Mark Dyke pero inatake siya ng pulikat at inilabas na ng tuluyan sa laro sa huling 58 segundo sa unang overtime na natapos sa 67-all.
Gumawa ng 13 puntos si Niko Abatayo para pangunahan ang balanseng pag-atake ng NCAA champion San Beda tungo sa 79-63 panalo sa UPIS.
Nagwagi rin ang FEU sa St. Stephen High School, 98-55, at Xavier University sa UE, 78-60, sa ibang mga laro.
Si Tyler Tio ay bumanat ng 28 puntos kasama ang apat na tres para sa ikalawang pinakamataas na output sa pagbubukas ng liga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.