NAGTUNGO sa Qatar sina Melanie Capili at Cristina Andaya sa pamamagitan ng Z Career Edge Agency. Naka-10 araw lang sila sa trabaho at hindi sila pinasweldo.
Kung di pa sa tulong ng mga kababayan ay hindi pa sila makakabili ng kanilang pagkain.
Isang kababayan naman natin ang nagmagandang loob upang maipaabot sa Bantay OCW ang kalagayan ng dalawa.
Mabilis na nakipag-ugnayan si Noli Edlagan sa amin upang matulungan ang ating mga OFW. Ayon pa sa kanya, may 60 pang mga OFW ang naroroon sa nasabing employer.
Sinabi pa ni Edlangan na may isang Pilipinong engineer na nangakong tutulong sa kanila para makauwi. Nagbigay pa sila ng pera sa naturang Pinoy, pero tinakasan lang sila nito.
Kaya nang makaabot sa kaalaman ng Bantay OCW ang naturang reklamo ay pinayuhan namin ang ating mga OFW na makipagkita kaagad kay Labor Attache’ Leopoldo de Jesus ng Philippine Overseas Labor Office(POLO) sa Phillippine Embassy sa Qatar.
Agad namang kumilos ang tanggapan ni De Jesus. Agad niyang ipinatawag ang employer nina Melanie at Cristina at pinagpaliwanag hinggil sa reklamo ng dalawa.
Hindi nagtagal at na nasolusyonan ang problema. Muling nagpadala ng SMS si Edlagan upang ipaalam sa Bantay OCW na papauwi na ang ating mga OFW at may kasama pang iba.
Noong Nobyembre 1 ng madaling araw, dumating na nga sa Pilipinas sina Melanie at Cristina at dalawang OFW.
Pagdating ng dalawa, sumbong naman nila ay pinapupunta sila ng Z Career Edge agency sa kanilang tanggapan at may pinababayaran pa raw sa kanila, imbes na sila ang bayaran para sa mga araw na ipinagtrabaho nila.
Payo natin kina Melanie at Cristina, magtungo kaagad sa POEA at ipaalam kay Administrator Hans Leo Cacdac ang ginagawa ng kanilang ahensiya. Maaari na ring maisaayos ang kanilang money claim sa National Labor Relations Commission (NLRC) para sa hindi natapos na kontrata at kung hindi makikipagkasundo ang ahensiya sa mga pananagutan pa nito sa ating mga kababayan.
Isang magandang balita ang ipinaabot ng Philippine consulate sa Hong Kong na wala namang nasangkot na Pilipino sa napabalitang pagpatay sa dalawa katao doon kamakailan. Hinihinalang ibang lahi ang gumawa nang naturang krimen.
Ngunit napapanahong paalala sa ating mga kababayan sa Hong Kong at maging sa ibang mga bansa, kapag nagkaproblema po kayo at mayroon lamang kayong pagkakataon na makatawag sa telepono ng isang beses lamang, huwag na huwag po ninyong sasayangin ang pagkakataong iyon.
Sa halip na tumawag sa Pilipinas para ipaalam sa iyong mga kamag-anak ang kalagayan ninyo doon, tumawag sa ating embahada dahil sila lamang ang kaagad na maaaring sumaklolo sa inyo.
Kung nasa Hongkong naman kayo, tumawag sa Assistance to Nationals hotline +852 9155 4023. Kung may pagkakataon namang mag-email, ipadala sa [email protected].
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming: E-mail: [email protected]/ [email protected] www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0927.649.9870
Isa ka bang OFW o pamilya ng OFW at nahaharap sa problema, i-text ang OCW, pangalan, edad, lugar at mensahe at i-send sa 09999858606
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.