Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Barako Bull vs San Miguel Beer
5:15 p.m. Rain or Shine vs Talk ‘N Text
Team Standings: Alaska Milk (3-0); San Miguel Beer (2-0); Barangay Ginebra (2-1); Meralco (2-1); NLEX (2-1); Rain or Shine (2-1); Globalport (1-2); Kia Sorento (1-2); Purefoods Star (1-2); Talk ‘N Text (1-2); Barako Bull (0-2); Blackwater (0-3)
PUNTIRYA ng San Miguel Beer ang pagsosyo sa liderato sa salpukan nila ng Barako Bull sa PBA Philippine Cup mamayang alas-3 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sa ikalawang laro sa ganap na alas-5:15 ng hapon ay sisikapin ng Rain or Shine na iposte ang ikatlong sunod na panalo laban sa Talk ‘N Text.
Sinimulan ng Beermen, na ngayon ay hawak ni coach Leo Austria, ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng 87-79 panalo kontra Rain or Shine. Isinunod nila ang defending champion Purefoods Star, 87-80.
Natalo naman ang Barako Bull sa Meralco, 112-108, matapos ang double overtime. Ipinalasap sa kanila ng Globalport ang ikalawang sunod na kabiguan, 91-81.
Kung mananalo ang Beermen sa Energy ay tatabla sila sa nangungunang Alaska Milk (3-0).
Bukod sa pagkakaroon ng bagong coach, iisa lang ang idinagdag ng Beermen sa kanilang lineup at ito’y ang rookie na si Ronald Pascual.
Si Austria ay patuloy na sasandig kina June Mar Fajardo at Arwind Santos na kapwa dating Most Valuable Player awardees. Ang mga ito ay tutulungan nina Chris Lutz, Marcio Lassiter, Doug Kramer at Sol Mercado.
Ang Barako Bull ay hawak ngayon ni coach Koy Banal na humalili kay Siot Tanquingcen isang araw bago nagsimula ang season.
Kabilang sa inaasahan ni Banal sina Mick Pennisi, Dennis Miranda, JC Intal, Willie Wilson at mga bagong lipat na sina Chico Lanete at RR Garcia.
Matapos na yumuko sa Beermen, nakabawi ang Rain or Shine nang talunin nito ang Blackwater Elite, 82-75, bago tinambakan ang Kia Sorento, 117-88.
Kapwa nakabalik na matapos mawala ng isang game sina Gabe Norwood at Paul Lee. Subalit dalawang linggo pa nilang hihintayin si Chris Tiu na mayroong hamstring injury.
Ang Talk ‘N Text, na ngayon ay ginagabayan ni coach Joseph Uichico, ay nakabawi sa 101-81 pagkatalo sa Barangay Ginebra sa pamamagitan ng 103-81 panalo laban sa NLEX Road Warriors. Pero natalo ulit sila sa Alaska Milk, 100-98, noong Martes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.