NANGAPA si LeBron James sa kanyang unang laro sa Cleveland matapos ang apat na taon na naging daan para sirain ng New York Knicks ang emosyonal na homecoming niya sa pagtala ng 95-90 pagwawagi kontra Cavaliers sa kanilang NBA game kahapon.
Si James, na nagbalik sa Cavs at tinubuang-lugar na Ohio sa nakalipas na summer matapos manalo ng dalawang NBA titles sa Miami Heat, ay nagtapos na may 17 puntos mula sa 5-of-15 shooting. Nagtala rin siya ng walong turnovers at mukhang hindi naging komportable sa gabi na kung saan ipinagdiwang ang kanyang pagbabalik.
Si Carmelo Anthony ay umiskor ng 25 puntos at nagbuslo ng isang jumper sa harapan ni James may 25 segundo ang nalalabi sa laro para ibigay sa Knicks ang 92-87 kalamangan.
Si Kyrie Irving ay gumawa ng 22 puntos habang si Kevin Love ay nagdagdag ng 19 puntos at 14 rebounds para sa Cavs.
Clippers 93, Thunder 90
Sa Los Angeles, kumamada si Blake Griffin ng 23 puntos kabilang ang dalawang free throws may limang segundo ang nalalabi habang si Chris Paul ay nag-ambag ng 22 puntos para tulungan ang Clippers na talunin ang Oklahoma City sa kanilang season opener para buksan ang panibagong panahon sa ilalim ng bagong may-ari nitong Steve Ballmer.
Hindi nakasama ang may foot injury na si Kevin Durant, nawala rin sa Thunder si Russell Westbrook na nagkaroon ng hand injury sa ikalawang yugto. Si Perry Jones ay gumawa ng career-high 32 puntos kabilang ang 9 of 11 free throws.
Nahulog naman ang Thunder sa 0-2 karta matapos na matalo sa kanilang season opener noong isang araw sa Portland.
Mavericks 120, Jazz 102
Sa Dallas, kumamada si Dirk Nowitzki ng 21 puntos at ipinagdiwang ng Dallas Mavericks ang pagbabalik ng dalawang mahalagang piyesa mula sa championship team ng prangkisa sa kanilang home-opening victory laban sa Utah Jazz.
Si Tyson Chandler, ang sentro at emosyonal na lider ng Dallas na tinalo ang Miami para sa titulo tatlong taon na ang nakalipas, ay nagtala ng 13 puntos at anim na rebounds habang si J.J. Barea, ang maliit ngunit matinik na guwardiya na nagpasiklab sa atake ng Mavericks sa 2011 NBA Finals na nakuha ng koponan noong isang araw, ay nakatanggap ng standing ovation matapos maglaro sa unang yugto. Siya ay nagtala ng apat na puntos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.