HABANG gumuguho ang rating ni Vice President Jejomar Binay ay tatahi-tahimik naman ang kanyang kakampi na si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada.
Sa pulitika man o sa tunay na buhay, ang isang barkong lumulubog ay hindi na sinasakyan kundi iniiwanan. Ganito na nga ba ang nangyayari ngayon kay Binay?
Hindi nakapagtataka kung gustuhin man ni
Erap na maging pangulo muli lalo at nakakulong ang kanyang anak na si Sen. Jinggoy Estrada.
Ang lamang ni Jinggoy, pangalawa na niya itong plunder case, tinalo niya ang kanyang ama. Ang bentahe naman ni Erap ay nahatulan siyang guilty sa plunder.
May mga nakapansin sa mga pagbabago sa Maynila, ang pagsisimula ng pagguho ng mga lumang gusali upang magtayo ng bago. Malaking pera ito at ang duda ng ilan ay may nag-iipon na ng pondo.
At baka hindi lang si Jinggoy ang makinabang kung mananalo si Erap.
Baka (baka lang naman hindi pa sure) tumanaw ng utang ng loob si Erap at makalabas na rin si dating Pangulong Gloria Arroyo na nahaharap din sa kasong plunder at naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center.
Si Arroyo ang nagbigay ng pardon kay Erap kaya hindi ito nagtagal sa kanyang detention cell matapos mahatulan ng habambuhay na pagkakakulong.
Mukhang hindi maitago ni United Nationalist Alliance interim president at Navotas Rep. Toby Tiangco ang kanyang galit kung hindi man ay pagkadismaya sa pagbaba ng rating ni Binay na siyang pambato nila sa 2016 presidential elections.
Ang pagbaba ni Binay ay nangangahulugan ng tagumpay sa mga tumutuligsa sa kanya o ang ti-ngin ng iba ay ang mga tao na may lakas ng loob na buksan ang mabahong baul ng bise at isiwalat ito sa publiko.
Ang mga taong may lakas ng loob na gibain si Binay kahit alam nila na mataas ito sa survey at kung mananalo ay dapat na silang magtago sa kanilang mga lungga.
Sa isang press release, sinabi ni Tiangco na mukhang maligno itong si Caloocan Rep. Edgar Erice.
Ganti niya ito sa sinabi ni Erice na may nadiskubre siyang Oplan Maligno na ilihis ang atensyon ng publiko sa imbestigasyong isinasagawa ng Senado kaugnay ng korupsyon ng mga Binay.
At syempre magmumukhang nakakaawa itong si Binay at malamang ay makakuha muli ng simpatya sa publiko lalo na sa mga botante na kailangan niya upang magluklok sa kanya sa Malacanang.
Ayaw ng mga Pinoy ng panlalait.
Sabi ni Tiangco, marahil ay nakatingin si Erice sa salamin kaya nakakita siya ng maligno.
Pero teka, sino bang mas mukhang maligno, si Binay o si Erice? Nagtatanong lang po.
Kung magpapatuloy ang ganito, malamang ay mag-isip ang mga botante at maghanap nang walang bahid na pulitiko at patakbuhin ito sa 2016 polls.
Ang tanong na lang ay kung sino ang susulpot na malinis na kandidato na siyang titingkad para matabunan ang mga nagsisiraan.
Kaya ‘wag n’yo alisin sa listahan si Sen. Miriam Defensor Santiago. Baka magulat kayo pag sumipa ang rating nya.
At ano nga kaya at magbiro ang tadhana, kunin kayang bise ni Erap si Binay. Parang 2010 election lang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.