Binoe binalaan si Kylie sa masasamang espirito
NAGKABATI na sina Kylie Padilla at Louise delos Reyes.
Kinumpirma ng Kapuso actress at lead star ng latest horror movie ng Regal Entertainment na “Dilim” na okay na sila ni Louise matapos nga silang magkaroon ng issue nito dahil kay Aljur Abrenica. Si Louise ang itinuturong dahilan kung bakit nagkahiwalay sina Kylie at Aljur, balitang nagkamabutihan ang dalawa nang magsama sila sa seryeng Kambal Sirena GMA 7.
Pareho mang nagdenay sina Aljur at Louise tungkol dito, marami pa rin ang naniniwala na niloko nila si Kylie. Kung matatandaan nagsalita pa si Kylie noong kasagsagan ng isyu, aniya,“I forgive her but I don’t wanna talk to her. I don’t wanna see her. Bakit pa?”
Pero sa huling interview namin sa dalaga, sinabi nitong nagkausap na sila ni Louise at nag-sorry na raw ito sa kanya, “Okay na po kami ni Louise. Basta bati na po kami. Hindi ko po masasabing mas friends kami, hirap yata nun…ano ‘to!”
Samantala, sa premiere night naman ng “Dilim” na idinirek ni Joey Reyes noong Lunes ng gabi sa Trinoma, marami ang pumuri sa ipinakitang akting ni Kylie na gumanap bilang isang babaeng may third eye na ayaw tantanan ng dalawang kaluluwang hindi matahimik (Ella Cruz at Natalie Hart) na pinaniniwalaang patay na matapos mawala na parang bula limang taon na ang nakararaan.
Kahit kami ay ginulat ni Kylie sa “Dilim”, hindi namin inasahan na keri na niyang magdala ng isang pelikula, at horror pa. Mahirap manakot ng manonood, kailangang natural at makatotohanan ang akting mo para maramdaman ng viewers ang bawat eksena – at nagtagumpay si direk Joey sa aspetong yan dahil sa mga mata pa lang ni Kylie ay mapi-feel mo na ang hirap ng may third eye.
Proud na proud nga ang tatay ng dalaga na si Robin Padilla at stepmom na si Mariel Rodriguez pagkatapos ng premiere night.
Sey pa ni Robin, pinayuhan niya si Kylie na itodo ang pagdarasal habang ginagawa ang mga eksena niya sa “Dilim”, “Minsan kasi yan ang ginagamit na behikulo ng masamang espiritu para pasukan kaya dapat huwag mo kalimutan na magdasal. Kung may eksenang kababalaghan, dapat kaakibat niyan dasal.”
Maraming gulat factor ang movie kaya siguradong mapapatili rin kayo sa loob ng sinehan, bukod pa yan sa susundan n’yong misteryo ng pagkawala ng dalawang nursing students na humihingi ng katarungan.
Masasabi naming pelikula ni Kylie ang “Dilim” dahil sa kanya nakasentro ang kuwento, pero gusto rin naming purihin ang iba pa niyang kasamahan sa movie na swak na swak sa ginampanan nilang mga role, kabilang na si Rayver Cruz na hindi nagpaka-OA bilang best friend ni Kylie. In fairness, bagay sila dahil kahit wala silang intimate scenes, ramdam mo ang lakas ng chemistry nila sa screen.
Effortless at bagay na bagay naman kay Natalie Hart (dating Princess Snell ng Starstruck) ang role nito bilang pokpok na nursing student na may sakit na epilepsy. Tiyak naman na mabubwisit ang fans ni Kylie sa ginawa ni Rafael Rosell kay Kylie sa bugbugan scene. As in talagang sinabunutan, sinapak at kinaladkad nito ang dalaga.
Tungkol naman sa ending, hindi na namin ito ikukuwento, kayo na ang bahalang umalam pero tiyak na mapapatulala kayo sa naging katapusan ng pelikula. Anyway, kasama rin sa “Dilim” sina Joross Gamboa, Rita de Guzman, Manny Castañeda, at showing na ito ngayong araw nationwide.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.